January 08, 2025

Home BALITA

Negosyanteng aktibo sa kawanggawa sa Maguindanao Del Norte, patay sa ambush!

Negosyanteng aktibo sa kawanggawa sa Maguindanao Del Norte, patay sa ambush!

Patay ang isang negosyanteng aktibo sa charitable works matapos barilin ng gunmen habang nakasakay sa motorsiklo at binabaybay ang Cotabato-Upi Highway sa Barangay Kibleg, Upi, Maguindanao del Norte, noong Lunes, Enero 6.

Batay sa mga ulat, patungong Cotabato City ang biktimang si Edwin Liha Valdez, 42-anyos, nang bigla siyang tambangan ng mga suspek, pagbabarilin, hanggang sa mapatay.

Ayon naman kay Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, direktor ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nakikipagtulungan na sila sa mga opisyal ng barangay upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, na agad tumakas matapos maisakatuparan ang kanilang pakay sa biktima.

Tinitingnan ang mas malalim na motibong personal sa krimen dahil hindi raw kinuha ang mahahalagang gamit ng biktima gaya ng pitaka at relo; iniwan ding nakabalandra ang sinasakyan nitong motorsiklo sa kalsada matapos barilin.

National

Halaga ng piso, inaasahang hihina sa bagong record-low kontra dolyar

Bukod sa pagpapatakbo ng grocery store, trade hub, at town center sa Upi, kilala raw si Valdez bilang tagasuporta ng peace and development programs ng kanilang barangay. Isa rin siya sa mga nag-iisponsor ng pagkain sa mga kapatid na Muslim matapos ang pag-aayuno dahil sa Ramadan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang lead ang mga awtoridad kung sino-sino ang nasa likod ng pamamaslang at kung ano ang tiyak na motibo nito.