January 08, 2025

Home BALITA

KILALANIN: Sino ang pumanaw na mister ni Dina Bonnevie na si Deogracias Savellano?

KILALANIN: Sino ang pumanaw na mister ni Dina Bonnevie na si Deogracias Savellano?
Photo courtesy: Dina Bonnevie (IG)

Sumakabilang-buhay na si Department of Agriculture (DA) Undersecretary Deogracias Savellano ngayong araw ng Martes, Enero 7, sa edad 65.

Ang anunsyo ng kaniyang pagpanaw ay mababasa sa Facebook post ng National Tobacco Administration (NTA).

Nakasaad sa post, "The National Tobacco Administration (NTA) is deeply saddened by the passing of Undersecretary Deogracias Victor 'DV' B. Savellano on January 7."

Si Usec. Savellano, na mula sa Cabugao, Ilocos Sur, ang naitalagang usec para sa livestock ng agriculture department ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noong Hulyo 2023, at siya rin ang nakatalagang oversight official ng NTA, bukod pa sa presiding official ng NTA Governing Board.

63% ng mga Pinoy, nagsasabing mahirap sila<b>—SWS</b>

Siya rin ay naging Deputy House Speaker at Representative ng 1st District of Ilocos Sur kung saan naging bahagi siya ng pormulasyon ng Sustainable Tobacco Enhancement Program (STEP) kasama ang NTA officials at iba pang stakeholders noong 2020.

Noong siya ay naging Ilocos Sur governor, siya ang nagsagawa ng KABSAT Caravan, isang prosperity program na nagbigay daw ng mga libreng makinarya at inputs sa lahat ng mga magsasaka sa buong lalawigan, lalo na sa mga nagsasaka ng tabako.

Siya ay naging vice mayor din sa bayan ng Cabugao sa Ilocos Sur at naging kaalyado ni dating Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson.

"His dedication, leadership, and invaluable contributions to the agency and to the upliftment of the life of the tobacco farmers will forever be remembered," saad ng NTA.

"Our heartfelt condolences go out to his family, loved ones, and colleagues during this difficult time. His legacy continues to inspire us," dagdag pa nila.

Nag-post din ng tribute ang Provincial Government of Ilocos Sur para sa kaniya.

Si Savellano ay mister ng beteranang aktres na si Dina Bonnevie. Sa kaniyang Instagram post ay naipakita pa ni Dina ang selebrasyon nila ng pagsalubong sa 2025, tampok ang Mount Fuji sa Japan.

"Happy New Year everyone! May your blessings for 2025 be as grand and as beautiful as Mt. Fuji! Cheers! " saad ni Dina sa kaniyang Instagram post.

Bagama't wala pang inilalabas na opisyal na pahayag mula sa pamilya, kinumpirma raw ni Vice Governor Ryan Singson ang pagkamatay ng kaniyang biyenan o father-in-law sa media. Ayon naman sa ulat ng ilang news outlet, ang dahilan daw ng pagkamatay ng DA usec ay abdominal aneurysm habang nasa Maynila.