Nagbigay ng babala ang Department of Migrant Workers kaugnay sa mga nag-aalok ng serbisyo para magproseso ng pekeng Overseas Employment Certificate (OEC).
Sa Facebook post ng DMW Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program nitong Martes, Enero 7, sinabi ang ahensya na tiyaking dadaaan sa kanila ang pagpoproseso ng sertipiko upang hindi magantso.
“Huwag makipag-ugnayan o makipag-transaksyon sa mga hindi awtorisadong tao na nag-aalok ng serbisyo para sa pagproseso ng pekeng Overseas Employment Certificate (OEC). Siguraduhing dadaan sa DMW ang pagproseso upang maiwasan ang mga scammer,” saad ng DMW.
Dagdag pa nila, “Paalala ng DMW na maging matalino at huwag magpaloko sa mabilisang pagproseso ng dokumento para makaalis ng bansa at magtrabaho abroad upang hindi mabiktima ng illegal recruitment, human trafficking, at online scams.”
Sa huli, nanawagan ang ahensya na iulat agad sa kanila ang naturang insidente sa email na [email protected] o sa Facebook page na www.facebook.com/dmwairtip.