Usap-usapan ng mga netizen ang isang kumakalat na larawan ng panindang kamatis sa palengke na may presyong ₱25 per piraso nito.
Ibinahagi sa Facebook post ng isang netizen na si Dr. Mary Ann "Annie" D. Assong, isang guro sa isang pampublikong paaralan sa Cavite, ang larawan ng isang tumpok ng kamatis sa bilao na may tag price para sa makukulit na mamimiling magtatanong sa presyo ng isang pirasong kamatis.
Tila nahulaan na kasi ng nagtitinda na maraming magtatanong kung totoo ba ang presyo ng kamatis kada piraso.
Mababasa, "KAMATIS"
"25 ISA PIRASO"
"Q: ISA?"
"A: OPO."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Annie, sinabi niyang totoong mahal na raw talaga ang presyo ng kamatis ngayon sa palengke.
Sa isa pang Facebook post, ipinakita niya ang presyo ng mga gulay na rekado para sa lulutuing menudo. Wala raw siyang mai-caption dito kundi "ANG MAHAL N'YO!"
Sa pinagbilhang supermarket ng isang sikat na mall sa Bacoor, Cavite, ang presyo ng tatlong pirasong kamatis ay ₱48. 88.
Ang patatas naman na may dalawa hanggang tatlong piraso sa supot na net ay ₱119.00. Ang carrots naman na dalawang piraso ay ₱45.44. Ang green pepper naman ay ₱32.13.
Kuwento ng guro, nakita lang daw niya sa ibang social media post ang ibinahaging larawan dahil naka-relate siya rito, matapos namang makabili ng apat na pirasong kamatis sa halagang ₱57.
Nakalulungkot daw isiping ang kabuuang presyo ng mga gulay na kaniyang pinamili ay katumbas na rin ng presyo ng karne ng baboy.
PRESYO NG MGA GULAY SA PALENGKE
Samantala, sa ulat naman ng GMA News noong Lunes, Enero 6, umabot sa ₱400 ang presyo ng kamatis kada kilo sa Marikina Public Market. Ang presyo naman ng dalawang piraso ay nasa ₱60 na.
Ang berdeng sili naman ay nasa ₱10 kada piraso at nasa ₱600 naman ang kilo.
Para naman sa bell pepper, ₱1,000 ang presyo per kilo, at kapag dalawang piraso lang ang bibilhin, ay nasa ₱90 na.
Ayon naman sa mga ulat, batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang mga kamatis ay naititinda sa pagitan ng ₱200 at ₱350 per kilo sa National Capital Region (NCR).
Nasabi naman ng DA na bababa raw ang presyuhan sa huling linggo ng Enero o sa unang linggo ng Pebrero, kapag nagsimula na ang dry season.