Nagbigay ng reaksiyon ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin sa “The Rapists of Pepsi Paloma”—ang latest movie project ng kontrobersiyal na direktor na si Darryl Yap.
Sa bagong episode ng “Showbiz Now Na” noong Linggo, Enero 5, sinabi ni Cristy na hindi raw niya suportado ang proyekto ng direktor sa pagkakataong ito bagama’t natutuwa raw siya sa mga atake nito paminsan-minsan.
“Natutuwa ako sa kaniyang mga atake paminsan-minsan. Pero this time, hindi mo ako kasama sa gusto mong palabasin. Ano ang gusto mo, Direk Darryl? Ang wasakin si Bossing Vic Sotto dahil sa tagumpay ng ‘The Kingdom?’” saad ni Cristy.
Dagdag pa niya, “Kahit pa magkababayan kayo sa Olongapo, wala kang alam. Anong sabi ko sa ‘yo? Bakit kailangan mo pa itong gawin? Ano ang iyong layunin?”
Ayon kasi sa showbiz columnist, ang paglalatag daw ng kuwento ay may limitasyon. Hindi raw dapat nagsusulat dahil lamang sa personal na kagustuhan.
“Mayro’n tayong tinatawag na respeto sa ating kapuwa. Dapat nando’n pa rin ‘yon. Hindi nawawala,” aniya.
Matatandaang muling umalingawngaw sa bakuran ng social media ang pangalan ni Pepsi nang ianunsiyo ni Yap noong Oktubre 2024 na gagawa raw siya ng pelikula tungkol sa rapists ng nasabing ‘80s sexy star.
MAKI-BALITA: Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'
MAKI-BALITA: Poster ng 'The Rapists of Pepsi Paloma,' inilabas na ni Darryl Yap
Lalo pang pinag-usapan kamakailan ang paparating na pelikula nang mabanggit ang pangalan ni “Eat Bulaga” host Vic Sotto sa inilabas na teaser ni Yap.