Nagpadala ng imbitasyon ang Makabayan bloc lawmakers sa mga naghain ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte para sa isang meeting-consultation sa Miyerkules, Enero 8, 2025.
Ayon sa mga kongresista na sina Rep. France Castro (ACT Teachers Party-List), Rep. Arlene Brosas (GABRIELA Women's Party), at Rep. Raoul Manuel (KABATAAN Party-List), gaganapin ang naturang meeting sa Minority Conference Room sa House of Representatives dakong 10:00 ng umaga, kung saan pag-uusapan ang naturang impeachment complaint laban kay Duterte.
"As fellow advocates for good governance and public accountability—in particular, Vice President Duterte's accountability to the people—we hope that we can discuss in this meeting our Impeachment Complaints and agree on efforts to push Marcos administration and the House of Representatives leadership to move the impeachment process along," saad ng Makabayan bloc.
Matatandaang noong Disyembre 4, 2024 nang ihain ng Makabayan bloc sa Kamara ang impeachment complaint na inihain ng nasa 75 indibidwal laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!
Nauna namang maghain ng impeachment complaint laban kay Duterte ang iba’t ibang civil society leaders, na inendorso ni Akbayan Rep. Perci Cendaña noong Disyembre 2, 2024.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
Habang ang ikatlong impeachment complaint naman ay inihain ng religious groups at grupo ng mga abogado noong Disyembre 19, 2024.
BASAHIN: Ikatlong impeachment complaint vs VP Sara, inihain ng mga pari, abogado