Makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang Metro Manila at ilang lugar sa Pilipinas dulot ng hanging Amihan, shear line, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa PAGASA nitong Lunes, Enero 6.
Sa 2 a.m. weather forecast ng weather bureau, wala silang nakikitang low pressure area sa bansa. Gayunman, makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang ilang lugar sa bansa dahil sa Amihan, shear line, at ITCZ.
Makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region, habang ang Ilocos Region naman ay makararanas din ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan dahil sa hanging Amihan.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms naman ang mararanasan sa Camarines Norte, Camarines, Sur, Marinduque, Oriental Mindoro, Quezon, at Aurora dahil sa shear line.
Intertropical Convergence Zone (ITCZ) naman ang nakakaapekto sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region dahilan para makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay makararanas din ng bahagyang maulap na kalangitan na may isolated rain showers at thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.
Asahan din ang maulap na kalangitan na may isolated rain showers at thunderstorms sa iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa ITCZ.