January 07, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Bakit may 'Epiphany' o Araw ng Tatlong Hari?

ALAMIN: Bakit may 'Epiphany' o Araw ng Tatlong Hari?
Photo courtesy: Pexels

Tuwing Enero 6, ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang pista ng Tatlong Hari o "Epiphany," na sumisimbolo sa pagdating ng tatlong pantas sa Bethlehem upang magbigay-pugay sa bagong silang na Mesiyas, o si Hesukristo.

Ang araw na ito ay bahagi ng tradisyong Kristiyano at nagpapakita ng patuloy na paggunita sa kwento ng pagkapanganak ni Hesus. Ito ang hudyat ng pagtatapos ng panahon ng Kapaskuhan sa bansa. Ang tradisyong ito ay nagpaparangal sa pagbisita ng Tatlong Pantas mula sa Silangan kay Hesus sa Bethlehem, dala ang mga handog na ginto, kamangyan, at mira.

Ang selebrasyong ito ay nagsimula noong 2nd century AD sa silangang bahagi ng Imperyong Romano, ayon kay Clement ng Alexandria. Sa Ehipto, ipinagdiriwang din ito bilang araw ng pagbibinyag kay Hesus. Noong 380 AD, tinawag ito ni St. Gregory ng Nazianzus na "Theophany," na tumutukoy sa banal na kapanganakan ni Kristo.

Noong 385 AD, tinukoy ng manlalakbay na si Egeria ang pagdiriwang sa Bethlehem bilang "Epiphany." Samantala, noong 1969, isinama sa General Roman Calendar ang Pista ng Tatlong Hari, na ginawang flexible ang petsa nito sa pagitan ng Enero 2 hanggang 8, bagama’t mas karaniwang ipinagdiriwang ito tuwing Enero 6.

Mga Pagdiriwang

Isang Sabado Kada Buwan, Pamaskong Handog ng Konsulado sa Geneva

Mga tradisyon ng pagdiriwang

Iba-iba ang paraan ng paggunita sa Pista ng Tatlong Hari sa iba’t ibang panig ng mundo:

Regalo: Tuwing gabi ng Enero 5, inilalagay ng mga bata ang kanilang sapatos sa labas ng bahay upang lagyan ng regalo ng Tatlong Hari.

Rosca de Reyes: Ang tinapay na hugis korona na may mga kendi at prutas ay pangunahing bahagi ng pagdiriwang. Nakatago sa loob nito ang maliit na rebulto ni Hesus. Ang makakahanap nito ay may obligasyong mag-host ng "Candlemas" sa Pebrero 2.

Piging: Sa mga bansang Latin-Amerikano, ipinagdiriwang ang araw na ito sa pamamagitan ng al fresco na salu-salo. Kabilang sa mga putahe ang black beans at rice, yucca, at mabagal na lutong karne.

Simbolo ng pananampalataya

Ang Pista ng Tatlong Hari ay mahalagang bahagi ng pananampalatayang Kristiyano, lalo na sa mga bansang Espanya at Latin-Amerika. Bukod sa pagbibigay ng regalo, ito rin ay panahon ng pagbubuklod ng pamilya at pagninilay sa kuwento ng pagmamahal at sakripisyo ng Tatlong Hari para sa Mesiyas.

Sa Pilipinas, nananatili itong mahalaga sa puso ng mga Pilipino, na nagpapakita ng malalim na ugat ng pananampalatayang Kristiyano sa kultura ng bansa.

Ang pagdiriwang ng Araw ng Tatlong Hari ay patunay ng mayamang kultura at tradisyon ng Pilipinas, na nagmula sa pinaghalong impluwensiya ng mga katutubong paniniwala at mga dayuhang kultura. Ito ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan at kultura ng bansa na patuloy na isinasabuhay ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan.

MAKI-BALITA: Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Kapaskuhan

Mariah Ang