Sumakabilang-buhay na ang pinakamatandang tao sa buong mundo na si Tomiko Itooka sa edad na 116 taong gulang.
Ayon sa ulat ng ilang international news outlets, pumanaw si Itooka sa isang nursing home sa Ashiya, Hyogo, Prefecture noong Sabado, Enero 4, 2025.
Siya ang kinilalang pinakamatandang tao sa buong mundo matapos ang naging pagpanaw ni Maria Branyas Morera noong Agosto 2024.
KAUGNAY NA BALITA: ‘World oldest person’ pumanaw na; sino nga ba ang papalit?
Ipinanganak si Itooka noong Mayo 1908, anim na taon bago sumiklab ang World War I. Nagkaroon siya ng dalawang anak na babae at dalawang anak na lalaki, ayon sa ulat ng Guinness.
Inaasahang pumalit sa kaniya ang Brazilian nun na si Inah Canabarro Lucas na nasa edad na mas bata lamang ng 16 na araw kay Itooka at kasalukuyang nasa 116 taong gulang na rin.
Sa kasalukuyan, ang Japan pa rin daw ang may pinakamaraming bilang ng centenarian sa buong mundo kung saan tinatayang nasa 95,000 sa populasyon nito ay nasa edad 100 pataas.