Umaapela ng tulong sa publiko ang propesor na si Mary Jane Villanueva para mahanap si Michelle I. Lipana o "Mimay," 14 taong gulang mula sa Pateros, na isang buwan na raw nawawala at pinaghahanap ng kaniyang mga magulang.
Ayon sa Facebook post ni Villanueva, si Mimay ay isang teenager na may special needs. Nagpaalam daw si Mimay na pupunta sa isang palengke sa Pasig subalit hindi pinayagan, kaya nagkusa itong umalis subalit hindi na ito umuwi sa kanila.
Mababasa sa post, "Pa-share po para makita na siya ng mother niya na halos isang buwan ng nawawala. Nakipag-ugnayan na rin sila sa barangay at patuloy na pinaghahanap. Ang bata po na may palayaw na 'MIMAY' (Michelle I. Lipana, 14 yrs. old) ay may special na pangangailangan sa pag-iisip kaya sobra ang pag-aalala ng pamilya kung ano na ang kanyang kalagayan sa mga oras na wala pa rin siya sa kanilang pangangalaga."
"Huling paalam ng bata ay gusto niyang pumunta sa Pasig Palengke na hindi pinayagan kaya umalis ng walang paalam."
Sa nakakita po, makipag-ugnayan lamang sa numerong ito na nasa larawan din."
"At humihingi rin kami ng tulong niyong ma-i-share ito sa public para sa mas malawakang pagpo-post at mapadali ang paghahanap."
Ibinigay naman ni Villanueva ang mga detalye kung paano makikipag-ugnayan sa mga magulang ni Mimay.
"Maaari rin niyo kaming kontakin dahil ang kanyang ina ay suki namin sa pagtitinda ng peanut butter sa Pasig Mega Market.
"Contact Number: 0985-934-3384"
"ADDRESS: 234 P. ROSALES STREET, BRGY. STA. ANA, PATEROS."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Villanueva, sinabi niyang labis na siyang naawa sa mga magulang ng bata lalo't may special needs pa ito. Suki raw nila sa paninda nilang peanut butter sa Pasig Mega Market ang ina ng nawawalang teenager.
Hangad ng Balita na mahanap na si Mimay at makabalik na sa kaniyang pamilya nang ligtas.