Muling umalingawngaw sa bakuran ng social media ang pangalan ni Pepsi Paloma nang ianunsiyo ng kontrobersiyal na direktor na si Darryl Yap noong Oktubre 2024 na gagawa raw siya ng pelikula tungkol sa rapists ng nasabing ‘80s sexy star.
MAKI-BALITA: Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'
MAKI-BALITA: Poster ng 'The Rapists of Pepsi Paloma,' inilabas na ni Darryl Yap
Lalo pang pinag-usapan kamakailan ang paparating na pelikula nang mabanggit ang pangalan ni “Eat Bulaga” host Vic Sotto sa inilabas na teaser ni Yap.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Kaya naman kasunod nito ay naglitawan din sa iba’t ibang online platforms ang pangalan ng mga kapuwa sexy star ni Pepsi na sina Coca Nicolas, Mirinda Manibog, at Sarsi Emmanuelle.
Sa katunayan, kinuwestiyon pa nga ni Sarsi ang kuwentong pagbabatayan ng pelikula ni Yap gayong patay na raw si Pepsi.
Pero bago pa man mauwi sa bangayan ang lahat kung kaninong bersyon ba ng kuwento ang dapat paniwalaan, sino-sino ba muna sina Pepsi, Sarsi, Mirinda at Coca? Bakit binansagan sila sang-ayon sa pangalan ng mga softdrinks?
SOFTDRINK BEAUTIES
Binuo ng optometrist at talent scout na si Rey Dela Cruz ang “Softdrink Beauties” noong dekada ‘80. Pero bago pa man ito, sa kaniya rin galing ang “Street Beauties—na kinabibilangan nina Aurora Boulevard, Epifania Delos Santos, at Rosario Pasig—at sina Vodka Zobel, Chivas Regal, at Remi Martin na binansagan namang “Hard Drink Beauties.”
Ayon kay Direk Jose Javier Reyes sa panayam niya sa IJuander noong 2018, umiiral daw ang ganitong klaseng pagpapangalan sa mga talent dahil branding daw ito ng mga manager noon.
“Kasi ‘yong mga manager na ‘yan, noong mga panahon na ‘yon, may kaniya-kaniya silang kwadra ng mga artista nila…para ‘ika nga sa marketing e branding nila ‘yon,”
COCA NICOLAS
Si Johnnalee Hickins o mas kilala bilang Coca Nicolas ay isang British-Filipino na pinasok ang mundo ng showbiz noong siya ay 15-anyos pa lamang. Pero bago pa man ito, nagtrabaho na raw siya sa Japan bilang singer matapos yayain ng kaniyang kapitbahay.
“Noong araw kasi, nagtitinda lang kami ng nanay ko. Mahirap lang po ang buhay namin talaga. [Ang tatay ko po] hindi ko po siya nakita ni minsan,” lahad ni Coca sa eksklusibong panayam sa kaniya ni broadcast-journalist Julius Babao.
Sa pagpasok ni Coca sa showbiz, sumabak siya sa iba’t ibang bold films tulad ng “Snake Sisters” at “Naked Island.” Ngunit gaya ng maraming kuwento ng mga artista, nawala ang ningning niya kalaunan.
Sa isang episode ng “Tunay na Buhay” noong 2015, inamin ni Coca na nalulong daw siya noon sa iba’t ibang uri ng bisyo tulad ng alak at sigarilyo.
“Nakatikim din ako ng drugs before pero hindi talaga totally ‘yon [ang dahilan] kung bakit ako pumayat,” aniya.
Kaya naman, isa raw sa mga pinagsisihan ni Coca ay hindi siya natutong mag-ipon noong mga panahong sagana pa siya sa buhay.
Payo pa niya, “Hangga’t mayro’n sila, mag-ipon sila. Unahin muna ang sarili nila bago ‘yong iba. Para sa gano’n ‘pag may ipon sila, mas madali silang makatulong sa kapuwa nila.”
MIRINDA “MYRA” MANIBOG
Tila wala sa plano ang pag-aartista ni Mirinda “Myra” Manibog at masasabi pa ngang pahabol na miyembro siya ng “Softdrink Beauties.”
Sa panayam ni Myra sa IJuander noong 2018, ibinahagi ni Myra kung paano nagsimula ang karera niya sa showbiz.
Ayon sa kaniya, “Mayro’n isang cameo role do’n [sa Snake Sisters] that was meant to be for Myrna Castillo. Kaso nagkaroon ng problema on the set and umalis si Myrna sa location. So, immediately they needed a replacement.”
“And that same day, dinala ako ng designer do’n sa office ni Tito Rey. So noong nakita niya ako, sabi niya, ‘okay, halika punta na tayo sa shooting.’ Shooting na agad ako ng five-year contract. Artista na ako,” dugtong pa niya.
Simula noon, nagtuloy-tuloy ang pagganap ni Myra sa mga pelikulang bold. Dahil dito, nakapagpundar siya para sa sarili at pamilya. Nakapagpatayo ng bahay at nagnegosyo. Pero kalaunan, hindi siya nakaligtas sa trahedyang dulot ng droga.
“Na-insecure na ako dahil ang taba ko nga. So, inisip ko kaya nambababae ‘yong asawa ko kasi pangit na ako; kasi ‘di na ako kasing-lakas kumita noong araw,” aniya.
Dagdag pa ni Myra, “Then sabi ng mga friends ko do’n sa Japan, when you use this drugs [shabu] papayat ka.”
Mabuti na lang—ayon sa dating sexy star—niregaluhan siya ng prayer book ng isang kaibigan. Ito raw kasi ang nagsilbing gabay para makabalik siya sa tamang landas.
SARSI EMMANUELLE
Sa isang episode ng vlog ni broadcast-journalist Julius Babao noong Hulyo 2024, ibinahagi ni Sarsi Emmanuelle (o Maria Jennifer Obregon Mitchell sa tunay na buhay) kung paano siya nadiskubre ni Rey.
“Si Dr. Rey Dela Cruz, doktor ng mommy ko sa mata. ’Pag nagpupunta siya ng [optical clinic], kasama ako ng mommy ko,” saad ni Sarsi.
Dagdag pa niya, “Sabi ni Tito Rey, ‘ang ganda ng anak mo. Pwede mong pag-artistahin ‘yan’ ‘Ay, hindi,’ sabi niya, ‘nag-aaral pa ‘yan sa Immaculate Conception. Hindi pwede.’”
Pero nang maghiwalay ang nanay at tatay ni Sarsi, lumayas daw siya sa kanila. At ang una niyang nilapitan ay si Rey. Binanggit niya muli sa doktor at talent scout ang tungkol sa posibilidad niyang makapag-artista.
Kuwento ni Sarsi, “Sabi niya, ‘oo. Sure, why not? Halika mayro’ng gagawin sina Direk Celso Ad. Castillo at Pepsi Paloma, isama kita.’”
Kaya masasabing pinasok lang ni Sarsi ang showbiz industry hindi dahil may pamilya siyang kailangan iahon sa hirap kundi dahil naghahanap siya ng isang bagay na magsisilbing outlet ng problema niya sa buhay.
“May-kaya kami.[...] Involved sa custom ang mommy at daddy ko. Lolo’t lola ko. Well off. Lahat kami nasa parochial school,” aniya.
At bago pa man tuluyang maabutan ng pagkalaos, nauna nang umexit si Sarsi sa industriya nang mabuntis siya ng nakarelasyon niyang negosyante.
PEPSI PALOMA
Si Delia Dueñas Smith—o higit na kilala bilang Pepsi Paloma—na yata ang maituturing na pinakakontrobersiyal sa kanilang lahat.
Lampas isang dekada na ang nakakalipas nang wakasan ni Pepsi ang sariling buhay noong Mayo 31, 1985 ngunit tila patuloy pa ring umiiral sa maraming Pilipino ang kaniyang alaala.
Nangyari ang masaklap na trahedyang ito sa buhay ni Pepsi tatlong taon matapos pumutok ang isyu ng umano’y panggagahasa sa kaniya nina Richie D' Horsie, Vic Sotto, at Joey De Leon sa isang hotel sa Quezon City.
Ngunit sa isang panayam ng ANC sa kapatid ni Vic na si re-electionist Tito Sotto, pinabulaanan niya ang lahat ng ito.
“To me, these are disinformation,” saad ni Tito, “kasi once the people know what is true and they’ll see it’s not so, I have decided to brush them aside and not pay attention to these types of disinformation. ‘Yon ang original fake news, e.”
Matatandaang bago magpakamatay si Pepsi ay iniatras niya ang isinampang kaso laban sa mga personalidad na nabanggit at inamin niyang pinilit lamang daw siyang gawin ang pagdedemanda upang pagkakitaan ang “bad publicity.”
Kaya interesanteng itanong: ang bagong pelikula na bang ito ni Yap ang tutuldok sa isa sa mga matagal nang kontrobersiya sa showbiz? O lalo lang itong magsisilang ng mas marami pang tanong sa hinaharap?