May tirada si dating Presidential spokesperson Salvador Panelo sa pagkakaalis nina Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga miyembro ng National Security Council.
Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Sabado, Enero 4, 2024, tahasang iginiit ni Panelo na pawang maruming pamumulitika lang daw ito ng kasalukuyang administrasyon.
"The removal of VP Sara and FPRRD as members of the National Security Council is an ill advised presidential move,” ani Panelo.
Dagdag pa niya: "It smacks of dirty politics. Another brazen measure to diminish the political star power of VP Sara and FPRRD."
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang isang Executive Order na nagreogranisa sa miyembro ng NSC kung saan inalis nito si VP Sara at mga dating pangulo ng bansa bilang miyembro ng naturang konseho.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nireorganisa NSC; inalis si VP Sara at mga dating pangulo sa konseho
Giit pa ni Panelo, tila palabas lamang umano ang pagkakadawit ng pangalan nina dating Pangulong Gloria Arroyo at Joseph Estrada upang pagtakpan daw nito ang direktang pag-atake kina VP Sara at FPRRD.
"The removal of FPGMA and FPERAP in the NSC is to deodorize the elimination of VP Sara and FPRRD as members of the NSC- to make it appear that the two are not being targeted,” saad ni Panelo.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo nina VP Sara at FPRRD hinggil sa pagkakatanggal nila bilang mga miyembro ng NSC.