Tahasang tinutulan ni Gabriela Women's Party-list Representative Arlene Brosas ang pagtaas sa 15% na kontribusyon ng Social Security System (SSS) sa pagpasok ng 2025.
Giit ni Brosas, mas lalo raw itong naging pahirap sa mga Pilipino lalo't panibagong dagdag na kaltas ito sa suweldo ng mga manggagawa.
"This is the government's buena mano for 2025- another round of burden for our workers. Sa halip na dagdag sahod, dagdag kaltas ang ibinigay sa mga manggagawa." ani Brosas.
Matatandaang simula Enero 1, 2025, naging epektibo na ang pagtaas ng singil ng SSS sa mga benepisyaryo nito.
KAUGNAY NA BALITA: 15% na kontribusyon ng SSS, para daw sa lifetime security?
Kinuwestiyon din ni Brosas ang gobyerno na aniya’y hindi raw sinisigurado ang benepisyong maaaring makuha ng mga manggagawa habang kumakayod daw ang mga ito na makapagbayad sa kontribusyon sa SSS.
"Bakit ba ipinipilit ng gobyerno na kumayod nang kumayod ang mga manggagawa para sa SSS contribution increase habang hindi naman sinisigurado ang maayos na benepisyo at serbisyo?"
Ipinanawagan din ng naturang mambabatas ang pagsuspinde raw sa nasabing pagtataas ng kontribusyon ng SSS at tinawag na tila isa raw itong New Year's resolution ng naturang ahensya na pahirapan daw ang mga Pilipino.
"Hindi dapat gawing New Year's resolution ang pagpapahirap sa mga Pilipino," anang mambabatas.