January 07, 2025

Home SHOWBIZ Pelikula

Netizens, curious kung lulusot sa MTRCB ang 'The Rapists of Pepsi Paloma'

Netizens, curious kung lulusot sa MTRCB ang 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Photo courtesy: Darryl Yap, VinCentiments, MTRCB (FB)

Napapatanong ang mga netizen kung makakapasa kaya sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pelikulang "The Rapists of Pepsi Paloma" sa direksyon ni Direk Darryl Yap, na ipalalabas nitong 2025.

Iyan ang nabubuong tanong sa isipan ng mga netizen batay sa mga reaksiyon at komento nila sa iba't ibang news outlets at social media pages na nag-ulat sa pagpapalabas ng biopic movie ng yumaong sexy star noong 80s.

Ang kasalukuyan kasing chairman ng MTRCB ay si Lala Sotto-Antonio.

Si MTRCB Chair Lala ay anak ng "Eat Bulaga" host at re-electionist sa pagkasenador na si Tito Sotto III.

Pelikula

MMFF 2024, extended hanggang Enero 14!

Si Titosen ay kapatid naman ng kapwa "Eat Bulaga" hosts na si Vic Sotto at kaibigan naman ni Joey De Leon.

Hindi maiiwasang mabanggit sina Vic at Joey sa pelikulang magtatampok sa naging buhay at dahilan ng kamatayan ni Pepsi na gagampanan naman ng dating child star na si Rhed Bustamante.

MAKI-BALITA: Sino si Rhed Bustamante, ang gaganap na 'Pepsi Paloma' sa pelikula ni Darryl Yap?

Kontrobersiyal ang teaser 1 ng pelikula na inilabas ng "VinCentiments" sa unang araw pa lamang ng Enero 2025 dahil nabanggit agad ang pangalan ni Vic, na nagpa-trending sa pangalan nito sa X.

Sa nabanggit na teaser, emosyunal na tinanong ni Gina Alajar, gumaganap sa papel na namayapang si Charito Solis, ang dating award-winning child star na si Rhed, na gaganap nga bilang si Pepsi Paloma.

Mapapanood sa entrada pa lamang ng teaser ang eksena nina Gina at Rhed kung saan nabanggit nga ang pangalan ni Vic.

"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" tanong ni Gina kay Rhed.

"Oo!" mariing sagot ni Rhed.

Pagkatapos nito, ang sumunod na mababasa ay "NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982."

Dalawampu't anim na segundo lamang ang itinagal ng teaser subalit nag-trending agad ang pangalan ni Vic Sotto at ni Pepsi Paloma tungkol dito.

Makikita rin ang teaser sa Facebook page na "VinCentiments." May pamagat ang teaser 1 na "LABAN O BAWI."

"Inakusahan ng Rape ni Pepsi Paloma si Vic Sotto atbp; subalit makalipas ang ilang kaganapan ay inurong nito ang demanda.

"Bakit?" mababasa rito.

MAKI-BALITA: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'

Kaya inaabangan na ng mga netizen ang magiging classification ng MTRCB sa nabanggit na pelikula kapag natapos na.

Samantala, nilinaw naman ni Yap na walang kinalaman ang mga "kaaway" ng TVJ at "kalaban" ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa produksyon ng pelikula.

MAKI-BALITA: 'The Rapists of Pepsi Paloma' produced nga ba ng mga Jalosjos, kalaban ni Vico?

Nagkataon kasing sa Mayo 2025 na ang midterm elections kung saan nagbabalik-senado si Tito at re-electionist naman sa pagka-mayor ng Pasig City si Mayor Vico.

Nag-react din si Yap sa naging pahayag ng GMA news anchor na si Arnold Clavio tungkol sa kalabuang maipasa ng MTRCB ang pelikula.

Ang pinunto kasi ni Igan ay "Puwedeng magtago sa artistic freedom ang direktor pero hindi sa mga umiiral na batas. Maliban kung may public record ang korte batay sa akusasyon. Baka iyon ang intensyon, ang manggulat!"

"Nagpapa-kontrobersya ang nasa likod ng pelikula at ang pag-iingay na ito ay malinaw na paghingi ng simpatiya. Dahil malabo itong mapayagan ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na may hayagang paninirang puri o defamation. Sino ang source of information ng eksenang napanood? O ito ba ay bahagi ng isang panaginip ng mga karakter?"

"Huwag nating kalimutan na ang Chairman at CEO ngayon ng MTRCB ay walang iba kundi si Lala Sotto-Antonio, anak ni Titosen at pamangkin ni Vic," anang Igan. 

Kaya banat sa kaniya ni Direk Darryl, "Ngayon, opinyon ko naman tungkol sa sinabi mo: SINO KA, PARA PANGUNAHAN ANG PAMUNUAN NG MTRCB NA HARANGIN ANG PELIKULANG HINDI PA NARARATING ANG KANILANG TANGGAPAN. Hindi lang pambabastos sa pinaghirapan namin—kundi maging kay MTRCB Chair Lala Sotto ang pinagsasasabi mo—SINO KA, PARA MAGDESISYON PARA SA KANYA."

"Pinagmumukha mo siyang may gustong pagtakpan at natatakot— Hindi ganon si Chair Lala, pinakita na niya ang kanyang pagiging patas sa maraming sitwasyon," patutsada ni Yap.

MAKI-BALITA: Darryl Yap kay Arnold Clavio: 'Wag mo akong malecture-lecturan'

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon o pahayag si Clavio hinggil sa birada sa kaniya ni Yap.