January 06, 2025

Home BALITA Eleksyon

Comelec, dismayado sa mga politikong maagang nangangampanya

Comelec, dismayado sa mga politikong maagang nangangampanya
Photo courtesy: Manila Bulletin file photo

Nagbabala si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa mga politikong tila maaga raw nagpapakita ng motibo na mangampanya para sa darating na 2025 mid-term election.

Saad ni Garcia sa isang press briefing nito Sabado, Enero 4, 2024, ang kanilang ahensya raw kasi ang sinisisi ng taumbayan sa mga politikong naglipa na raw sa mga posters, radyo at telebisyon, gayong hindi pa naman nagsisimula ang campaign period.

"Napakabigat sa kalagayan namin na talagang alam namin na kami ang sisisihin at babatuhan ng sisi ng ating mga mamamayan sapagkat naglipana ang mga mukha nila sa kalsada, kahit walang nakalagay na 'vote for' pagkatapos nasa TV, radio, dyaryo, sa social media nandyan na lahat… tahasan, diretsahan," saad ni Garcia. 

Kasunod nito, nilinaw naman ng Comelec chairman na wala rin daw kasing batas na sumasaklaw sa "premature campaigning.”

Eleksyon

Pagpapaliban ni PBBM na lagdaan ang 2025 nat'l budget, nirerespeto ng ilang mambabatas

"Ang katotohanan talaga ay walang premature campaigning sa ating mga batas ngayon kapag automated election. At mismo ang Korte Suprema ang nagsabi na hindi pa sila kandidato. Kahit pa nag-file na sila ng candidacy," ani Garcia. 

Dagdag pa niya: "Lahat ng ginagawa nila ngayon, wala pang election law na nag-gogovern sa kanila. Wala pang prohibition. Walang violation, maliban na lang kung sila ay nagba-violate ng city o municipal or provincial ordinances."

Sa darating na Pebrero 12 pa raw opisyal na magsisimula ang campaign period para sa mga kumakandidato sa national position habang sa Marso 28 naman ang mga nagnanais para sa lokal na posisyon.

Kaya naman may bilin si Garcia sa mga ngayon pa lang daw ay naglipana na publicity.

"Dahan-dahan lang, medyo hinay-hinay. Wag natin i-underestimate ang katalinuhan ng ating mga kababayan. Napakatatalino ng mga Pilipino. Alam nila kapag sila ay pinaglololoko. Alam din nila kapag inaabuso ang kabaitan nila," anang Comelec chairman.