Nagbigay-reaksyon ang news anchor na si Arnold Clavio tungkol sa teaser ng upcoming film na "The Rapist of Pepsi Paloma," kung saan nabanggit ang pangalan ng actor-TV host na si Vic Sotto.
Sa nabanggit na teaser, emosyunal na tinanong ni Gina Alajar, gumaganap sa papel na namayapang si Charito Solis, ang dating award-winning child star na si Rhed Bustamante, na gaganap naman bilang si Pepsi Paloma.
Mapapanood sa entrada pa lamang ng teaser ang eksena nina Gina at Rhed kung saan nabanggit nga ang pangalan ni Vic.
"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" tanong ni Gina kay Rhed.
BASAHIN: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Kaugnay nito, nagbigay-reaksyon si Clavio patungkol sa pelikula sa pagmamagitan ng social media post.
"Dito ay matapang na binanggit ang pangalan ni Bossing @vicsottoofficial [Vic Sotto] bilang ‘rapist’ ng nagbigting dating bold star na si Pepsi Paloma o Delia Smith sa totoong buhay," anang news anchor.
Dagdag pa niya, puwede raw magtago sa tinatawag na artistic freedom ang direktor [Darryl Yap] nito pero hindi raw sa mga umiiral na batas.
"Puwedeng magtago sa artistic freedom ang direktor pero hindi sa mga umiiral na batas. Maliban kung may public record ang korte batay sa akusasyon. Baka iyon ang intensyon, ang manggulat!"
"Ilang dekada nang binubulabog ang pilipino ng isyung ito. Tuwing may malalaking mga problema ang isyung ito ay laging panligaw," ika pa ni Clavio.
Sa pagkakatanda raw niya, sinabi raw ni Coca Nicolas, kaibigan ni Pepsi, sa panayam nito kay Julius Babao na gawa-gawa lang daw ang tungkol sa rape issue.
"Pero tanda ko, sa panayam ni @juliusbabao kay Coca Nicolas, kaibigan ni Pepsi, na ang rape issue ay ‘gimik’ at gawa-gawa lamang ng kanilang manager - ang namayapang si Dr. Rey Dela Cruz."
Samantala, tila naikonek ito ng news anchor sa politika dahil binanggit niya na dalawang Sotto ang tumatakbo ngayong 2025 elections--sina dating Senate President Tito Sotto at Pasig City Mayor Vico Sotto.
"Dalawang Sotto ang tumatakbo sa Eleksyon 2025. Si former Senate President Tito Sotto, kapatid ni Vic at si Mayor Vico Sotto ng Pasig City, anak ni Vic kay aktres na si Connie Reyes," ani Clavio.
Nabanggit din niya ang chairman ngayon ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Lala Sotto na pamangkin ni Vic.
"Nagpapa-kontrobersya ang nasa likod ng pelikula at ang pag-iingay na ito ay malinaw na paghingi ng simpatiya . Dahil malabo itong mapayagan ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na may hayagang paninirang puri o defamation. Sino ang source of information ng eksenang napanood? O ito ba ay bahagi ng isang panaginip ng mga karakter?
"Huwag nating kalimutan na ang Chairman at CEO ngayon ng MTRCB ay walang iba kundi si Lala Sotto-Antonio , anak ni Titosen at pamangkin ni Vic."
Saad pa ni Clavio sa huling bahagi ng post na dapat daw hindi mawala ang respeto sa kapwa at pagiging disente.
"Tandaan, sa mundong ginagalawan natin hindi dapat mawala ang respeto sa kapwa at pagiging disente. May mga norms at ethics na dapat sundan."
Samantala, nilinaw ng direktor na si Darryl Yap ang tungkol sa mga nang-iintrigang baka ang pamilya Jalosjos o ang kalaban sa pagka-alkalde ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang nasa likod ng pagpo-produce ng pelikulang "The Rapists of Pepsi Paloma" na ipalalabas ngayong 2025.
BASAHIN: 'The Rapists of Pepsi Paloma' produced nga ba ng mga Jalosjos, kalaban ni Vico?
KAUGNAY NA BALITA: Sino si Rhed Bustamante, ang gaganap na 'Pepsi Paloma' sa pelikula ni Darryl Yap?