Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang executive order na nagrereorganisa sa National Security Council (NSC), kung saan inalis ang bise presidente at mga dating pangulo ng bansa bilang miyembro ng konseho.
Nakasaad sa Executive Order No. 81 na ang pangulo ang tumatayong chairperson ng NSC habang 26 mga opisyal mula sa iba’t ibang opisina ng executive at legislative branches naman ang magsisilbing miyembro nito.
Hindi na nakasama sa naturang konseho ang bise presidente at mga nagdaang pangulo ng Pilipinas.
Samantala, nakasaad din sa executive order na binibigyan ng awtorisasyon ang punong ehekutibo na magtalaga ng iba pang opisyal ng pamahalaan at pribadong mamamayan bilang mga miyembro ng NSC.
“There is a need to further guarantee that the NSC remains a resilient national security institution, capable of adapting to evolving challenges and opportunities both domestically and internationally, and to ensure that its council members uphold and protect national security and sovereignty, thereby fostering an environment conducive to effective governance and stability,” ani Marcos sa executive order.
Nilagdaan ni Marcos ang naturang executive order noong Disyembre 30, 2024 at isinapubliko nitong Biyernes, Enero 3, 2025.
Habang isinusulat ito’y wala pa namang pahayag ang Malacañang kung anong dahilan ng pagrereorganisa ng NSC.