January 05, 2025

Home BALITA National

Malacañang, nagpaliwanag sa pag-alis kay VP Sara sa NSC: ‘Not considered relevant…’

Malacañang, nagpaliwanag sa pag-alis kay VP Sara sa NSC: ‘Not considered relevant…’
Pangulong Bongbong Marcos at VP Sara Duterte (Photo: Santi San Juan/MB)

Naglabas ng pahayag ang Malacañang hinggil sa pag-alis kay Vice President Sara Duterte bilang miyembro ng National Security Council (NSC).

Nitong Biyernes, Enero 3, nang isapubliko ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Executive Order No. 81 na naglalayong ireorganisa ang NSC.

Sa naturang executive order ay inalis bilang miyembro ng konseho ang bise presidente at mga dating pangulo ng bansa.

MAKI-BALITA: PBBM, nireorganisa NSC; inalis si VP Sara at mga dating pangulo sa konseho

National

5.5-magnitude na lindol, yumanig sa Davao Oriental; aftershocks, asahan!

Kaugnay nito, sa isang pahayag nito ring Biyernes ay sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na sa kasalukuyan ay hindi pa umano maituturing na “relevant” ang bise presidente sa mga responsibilidad ng pagiging miyembro ng NSC.

Binanggit din ni Bersamin na nakasaad din sa executive order na may awtorisasyon ang pangulong magtalaga ng iba pang opisyal ng pamahalaan at pribadong mamamayan bilang mga miyembro ng NSC.

“At the moment, the VP is not considered relevant to the responsibilities of membership in the NSC,” ani Bersamin.

“Nonetheless, when the need arises, the EO reserves to the President the power to add members or advisers,” saad pa niya.

Habang isinusulat ito’y wala pa namang pahayag ang opisina ni Duterte hinggil sa naturang executive order.