January 05, 2025

Home BALITA Metro

High-grade marijuana, nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>
Photo courtesy: screenshot from ABS-CBN News/Facebook and Pexels

Nasabat ng pulisya ang tinatayang ₱330,000 high-grade marijuana matapos itong i-deliver sa isang fast food restaurant sa Quezon City.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay PLt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, Station Commander ng Kamuning Police, isang kahina-hinalang delivery daw ang inaabot sa manager ng naturang restaurant.

“Mayroong isang delivery na biglang pumasok sa isang fast food chain natin. Pagkatapos may hawak na box, biglang iniwan, natapat namang sa manager niya iniwan at sinabing ‘Ma’am iiwan ko ito, mayroon pong tatawag sa inyo na kukuha.’ Bago pa man makapagsalita yung manager, dali-daling umalis yung delivery boy na ‘yon,” saad ni Dela Cruz.

Saad pa ni Dela Cruz, agad daw nagtaka ang naturang manager dahil sa umano’y kakaibang amoy daw na nagmumula sa delivery box kung kaya’t agad daw itong nakipag-ugnayan sa mga awtoridad. 

Metro

Tricycle driver na pinatay matapos pagbabarilin, mistaken identity?

“Tinry nilang i-open yung box, at yun nga nakita nila na mukhang marijuana yung laman,” saad ni Dela Cruz.

Kasunod nito, mabilis din daw na nakatanggap ng tawag ang restaurant ng restaurant mula sa isang lalaking nakatakda raw na kumuha ng nasabing delivery box ng mga marijuana.

“Mayroon daw pong dinala dito na box, nagkamali daw po ng address. Yung may-ari daw po papunta na dito para kunin yung box. Agad-agad pong nakapag-plano yung kapulisan natin at saka yung miyembro ng barangay, na umalis muna yung pulis nang kaunti, magtago at aantayin yung pupunta na magre-receive ng box na ‘yon.” pagsasalaysay ni Dela Cruz. 

Nasakote ang nasabing suspek kung saan nakuha rin sa kaniya ang tinatayang 223 gramo ng kush. Nakadetine na ang suspek sa Police Station 10 sa Kamuning at nahaharap sa reklamong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.