Dalawang katao ang nasawi habang 19 ang nasugatan matapos bumagsak ang maliit na eroplano sa bubong ng isang furniture manufacturing building na may tinatayang 200 manggagawa sa Southern California.
Base sa ulat ng Associated Press, pinaniniwalaang nakasakay sa loob ng eroplano ang dalawang nasawi habang nasa loob naman ng gusali ang mga nasugatan nitong Huwebes, Enero 3.
Labing-isa umano sa naturang mga nasugatan ang dinala sa ospital habang walo ang ginagamot at inilabas sa pinangyarihan ng aksidente.
Ayon sa flight-tracking website na FlightAware, wala pang dalawang minuto matapos lumipad ang eroplano mula sa Fullerton Municipal Airport sa Orange County–10 kilometro ang layo mula sa Disneyland–nang bumagsak ito sa bubong ng gusali na nagdulot ng sunog at makakapal na usok.
Agad namang dumating ang mga bumbero at pulisya upang maglikas at apulahin ang apoy.
Natukoy ng Federal Aviation Administration ang eroplano bilang isang single-engine, four-seat Van's RV-10.
Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naging sanhi ng pagbagsak ng nasabing eroplano.