Isang pambihirang 'dinosaur highway,' na binubuo ng halos 200 footprints mula sa Middle Jurassic period, ang natuklasan umano sa isang limestone quarry sa Oxfordshire, England.
Ayon sa ulat ng Associated Press nitong Huwebes, Enero 02, 2025, ang mga 200 footprints, na tinatayang 166 milyong taon na ang tanda, ay nadiskubre noong Hunyo matapos matuklasan ng isang manggagawa ang kakaibang umbok sa lupa.
Ayon sa mga mananaliksik mula sa University of Oxford at University of Birmingham, ang mga umano’y natuklasang footprints ay nagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa kilos at interaksyon ng mga dinosaur, maging kapaligirang tropikal na tinitirhan ng mga ito noong sinaunang panahon.
Ang apat na set ng footprints na makikita sa naturang highway ay pinaghihinalaang mula umano sa mga higanteng 18-meter sauropod, na una'y inakalang Cetiosaurus, habang ang fifth set na footprints ay mula raw sa mabagsik na 9-meter predator na Megalosaurus, ang umano'y unang dinosaur na opisyal na pinangalanan mahigit dalawang siglo na ang nakalipas.
Ang lugar na may footprints ng dinosaur ay nagbukas ng katanungan kung nagkaroon nga ba ng interaksyon ang mga carnivore at herbivore noon.
Ayon kay Emma Nicholls, vertebrate paleontologist ng Oxford University Museum of Natural History, matagal na raw na pinag-aaralan ang tungkol sa Megalosaurus. Aniya, ang mga "recent discoveries" ay nagpapatunay na marami pang ebidensyang nag-e-exist tungkol sa iba't ibang uri ng mga dinosaur na naghihintay lamang na matuklasan.
“Scientists have known about and been studying Megalosaurus for longer than any other dinosaur on Earth, and yet these recent discoveries prove there is still new evidence of these animals out there, waiting to be found,” aniya.
Gumamit ang grupo ng drones at kumuha ng higit 20,000 digital images upang makabuo ng 3D models ng footprints na makatutulong daw sa pag-aaral ng laki, paraan ng paglalakad, at bilis ng paggalaw ng mga dinosaur.
Ayon kay Duncan Murdock, earth scientist mula sa Oxford Museum, detalyado ang preserbasyon kung kaya’t makikita kung paano na-deform ang putik sa lupa habang tinatapakan ito ng mga dinosaur.
“The preservation is so detailed that we can see how the mud was deformed as the dinosaur’s feet squelched in and out. Along with other fossils like burrows, shells and plants we can bring to life the muddy lagoon environment the dinosaurs walked through.” saad niya.
Ang mga natuklasang footprints ng dinosaurs ay itatampok sa bagong exhibit ng Oxford University Museum of Natural History at mapapanood din sa programang “Digging for Britain” ng BBC na ipapalabas sa susunod na linggo.
Mariah Ang