Usap-usapan ang post ni Unkabogable Star Vice Ganda kung bakit sa palagay niya ay laging pinipilahan sa takilya ang pelikula niya sa tuwing sasapit ang Pasko, o kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Batay kasi sa mga naglalabasang ulat, mukhang ang kaniyang comeback movie na "And The Breadwinner Is..." ang nangunguna sa box-office, para sa 50th MMFF.
Ayon sa Facebook post ni Vice Ganda noong Disyembre 30, sa palagay niya, kaya pinipilahan ang kaniyang pelikula tuwing Pasko ay dahil nakabuo siya at ang masa ng isang ugnayan.
"Maraming nagtatanong kung bakit maraming pumipila sa mga pelikula ko lalo na tuwing Pasko. Ito po ang sagot. Dahil po ako at ang masa ay may ugnayan. May relasyon. Nagkakaunawaan kami. Nagmamahalan. Iisa ang lenggwahe namin. Iisa ang pulso. Nagkakaintindihan. Kaya’t di namin iniiwan ang isa’t isa anuman ang mangyari," aniya.
Dagdag pa ni Meme Vice, sa palagay niya ay maraming naka-relate sa kaniyang pelikula, lalo na ang breadwinners.
"Yan ang karangalan na patuloy kong tinatanggap mula sa kanila noon pa man hanggang ngayon. Karangalang di lang pang isang gabi. Pangmatagalan. Yan din ang dahilan kung bakit maraming nakarelate sa #AndTheBreadwinnerIs. Dahil totoong istorya nila ito. Kwento ng aming mga pamilya. Masa ang nagbibigay sakin ng tagumpay. Sila ang pamilya ko. Kaya sa masa labis labis ang pagmamahal at pasasalamat ko!"
Matatandaang sa Gabi ng Parangal ay nakatanggap ng "Special Jury Citation" si Vice Ganda dahil sa kaniyang ipinakitang performance sa nabanggit na pelikula.
MAKI-BALITA: Vice Ganda sa kaniyang Special Jury Citation award: 'Award for what?'
Nominado rin siya sa pagka-Best Actor subalit nasungkit ito ni "Green Bones" lead star Dennis Trillo.
Matatandaang lahat ng mga pelikula ni Vice Ganda simula nang sumali siya sa MMFF ay talagang tumabo sa takilya.