January 05, 2025

Home BALITA National

Sen. Risa, umaasang maisasabatas na Anti-POGO Act ngayong 2025

Sen. Risa, umaasang maisasabatas na Anti-POGO Act ngayong 2025
Courtesy: Sen. Risa Hontiveros/FB

Ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros na sana ay maipasa na ang panukalang batas kontra Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa ngayong taon upang masiguro umanong wala nang iba pang manlilinlang sa mga Pilipino.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Enero 2, iginiit ni Hontiveros na kailangan ng bansa ng Anti-POGO Act na naglalayong ipagbawal at parusan ang anumang pagtatatag, operasyon, o pagsasagawa ng offshore gaming sa Pilipinas.

“I hope the year 2025 is the year we finally pass the Anti-POGO Act. Kailangan natin ng komprehensibong batas para masigurado na wala nang POGO ang mangscascam, mananakit, at manlilinlang sa napakaraming tao,” ani Hontiveros.

Samantala, pinuri din ng senadora ang pag-anunsyo ng Office of the Solicitor General (OSG) na bawiin ang mga ari-arian at kanselahin ang mga pekeng birth certificate ng mga banyagang iniuugnay sa POGOs.

National

Pagtaas ng singil ng SSS, 'New Year's resolution na pahirap sa mga Pilipino'—Brosas

“Ngayong bagong taon, dapat New Year’s resolution na ng gobyerno ang matiyak na walang dayuhan ang mananamantala ng ating mga institusyon,” saad ni Hontiveros.

“Sigurado ako na meron pa diyang mga dayuhan na ginagamit ang Philippine birth certificate sa maling paraan, kaya sana maiging matukoy na sila at maparusahan sa batas,” dagdag pa niya.

Matatandaang si Hontiveros ang nanguna sa imbestigasyon ng Senado sa ilegal na mga aktibidad ng POGOs sa bansa, kung saan isa sa mga naging kontrobersyal kaugnay nito ang kaso ng pinatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

MAKI-BALITA: Sen. Risa, ipinagkatiwala na si Guo sa korte: ‘I look forward to the day you face justice!’