Nasungkit ng mga delegadong mag-aaral ng isang paaralan sa City of San Jose Del Monte, Bulacan ang platinum award o katumbas ng unang gantimpala, para sa Asian Student Exchange Program (ASEP) 2024 competition na may temang "Net Zero Green Lifestyle" na ginanap sa Kaohsiung, Taiwan noong Disyembre 28, 2024.
Ang ASEP ay taunang kompetisyon ng mga paaralan sa Asya at iba pang mga bansa sa kalapit na kontinente na naglalayong mapagtibay ang international cultural knowledge at paggalang sa iba't ibang kultura sa panig ng mga guro at mag-aaral.
Matapos matalo ang 11 college teams sa iba't ibang paaralan at pamantasan sa buong mundo, naiuwi nina Giru Lauzon, Genevieve Velasco, at Kean Magno ng College of Saint Anthony (CSA) ang kampeonato na nagdala ng karangalan hindi lamang sa kanilang paaralan kundi sa buong Pilipinas na rin.
Naging posible ang pagkakamit nila ng tagumpay sa kolaborasyon na rin sa ilang mga mag-aaral mula sa Shu-Te University, sa ilalim ng paggabay ni Dr. Joseph Anthony Narciso Z. Tiangco, Associate Professor sa nabanggit na pamantasan.
Ibinahagi ng tatlong delegado ang kanilang research paper na may pamagat na "Refashioning Change: The Consumer Revolution Program," na isang revolutionary consumer program na naglalayong palakasin ang pagyakap ng mga indibidwal sa sustainable habits para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Mababasa sa ulat ng CSA sa kanilang website, "Through careful research and compelling visuals, CSA's team demonstrated how consumer choices directly impact the environment, advocating for a shift toward more eco-conscious consumption."
"The project explored the challenges of overconsumption and waste, offering practical solutions that can lead to positive environmental impacts. By refashioning traditional consumer habits, the team emphasized how each small change can contribute to achieving a Net Zero Green Lifestyle—an essential step in mitigating climate change," dagdag pa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kina Giru, Genevieve, at Kean, ibinahagi nila ang kani-kanilang mga pinagdaanan bago matamasa ang tagumpay sa nabanggit na kompetisyon. Anila, nang buksan daw ang kompetisyon sa kanila, hindi raw sila nagdalawang-isip na lumahok dahil magandang oportunidad at karanasan daw ito. Nagkaisa ang tatlo na ito ay isang "once in a lifetime opportunity" na hindi dapat palampasin.
Kagaya ng ibang koponan, nagkaroon din ng aberya bago at habang isinasagawa na nila ang presentasyon. Habang nasa airport daw sila patungong Taiwan ay talagang puspusan ang pagtapos nila sa kanilang visual aid presentation dahil hindi nila natapos ang paggawa nito dahil sa dami ng ginagawa nila sa paaralan. Nawala rin ang magandang brochure na ginawa nila para dito.
Subalit nang matapos na nila ang presentasyon at ihayag na sila ang nagwagi (ka-tie ang koponan mula sa Japan), hindi nila naiwasang maging emosyunal dahil napagtagumpayan nila ang nabanggit na kompetisyon.
Ayon naman kay Ms. Kath Alcayaga na siyang sumama sa mga delegado sa Taiwan, worth it daw ang pagsama niya sa tatlo dahil nakita niya ang husay at dedikasyon ng mga ito para maipanalo ang laban.
Labis-labis ang pasasalamat ng tatlo sa isa sa kanilang mentors na nagbigay ng gabay at suporta sa kanila, si Dr. Ma. Tricia C. Montinola, ang assistant director ng paaralan, na talagang umagabay raw sa kanila sa preparasyon, sa aktuwal na presentasyon, hanggang sa makauwi sila ng Pilipinas.
Pinasalamatan din ng mga delegado ang kani-kanilang mga magulang na nagbigay ng emotional, moral, at financial support para makalipad ng Taiwan at maipanalo ang kompetisyon.
Mensahe ng tatlo sa iba pang mga kapwa mag-aaral, huwag matakot sumubok sumali sa mga ganitong klaseng kompetisyon dahil naiibang karanasan daw ito, lalo na pagdating sa pakikisalamuha sa ibang lahi.
Congratulations Genevieve, Kean, at Giru!