Nasa 534 na ang naitalang kabuuang kaso ng mga nabiktima ng paputok sa nagdaang holiday season, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Enero 2, 2025.
Sa tala ng DOH, mayroong 188 na naiulat na bagong kaso ng mga naputukan noong bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, habang tatlo naman ang naitala nitong Bagong Taon ng gabi, Enero 1.
Dahil dito, 534 na ang naitalang kabuuang kaso ng mga nabiktima ng paputok mula Disyembre 22, 2024 hanggang nitong Huwebes ng 6:00 ng umaga, Enero 2, 2025, kung saan mas mababa naman ito ng 9.8% kumpara sa naitala noong taong 2023 na 592.
Ibinahagi rin ng DOH na 356 ng mga nasabugan nitong 2024 ang nagtamo ng pagkasunog sa balat habang 28 sa mga ito ang sumailalim sa amputation o pagputol ng bahagi ng katawan.
Dagdag ng ahensya, mga kabataan at menor de edad pa rin daw ang mga biktima ng paputok, at ilan sa mga naitalang firework-related injuries ay “eye injuries, pagkaputol sa bahagi ng katawan, at sunog sa balat na epekto dala ng mga paputok.”
Posible pa umanong makapagtala ang DOH ng late reports ukol sa mga nabiktima ng paputok sa nagdaang Bagong Taon.