Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) ang insidente ng pananaksak na nangyari sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong Huwebes ng umaga, Enero 2, 2025.
Ayon kay NBP Acting Superintendent Corrections Chief Inspector Roger Boncales, nangyari ang nasabing pananaksak bandang 7:15 ng umaga sa Gate 1-A, Quadrant 4 ng naturang bilibid compound.
Bukod sa nasawing biktima, mayroon pa raw dalawa pang Person Deprived of Liberty (PDL) ang nasugatan dahil sa nasabing insidente.
Tumanggi namang pangalanan ng BuCor ang mga biktima hangga't hindi pa raw kumpirmadong naaabisuhan ang mga kaanak nila.
Kaugnay ng nasabing insidente, agarang nagpatupad ng precautionary measures ang BuCor headquarters.
"To prevent any untoward incident while the incident is being investigated, the Bucor Headquarters directed all superintendents of OPPFs to take precautionary measures at their respective OPPFs to ensure the safety of both PDLs and staff," anang Operating Prison and Penal Farms (OPPFs).
Samantala, patuloy pa rin umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.