Maaari pa raw maging apat ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte na ihahain sa House of Representatives.
Ayon sa kumpirmasyon ni House Secretary General Reginald Velasco, posible raw humabol pa ang ikaapat na impeachment case kay VP Sara hanggang sa Lunes, Enero 6, 2025.
"If they file it on Monday, I will have to make a decision whether I will then refer it to the Speaker or delay it further, because, again, I'll refer this to the legal department for study, if there will be a fourth complaint," ani Velasco.
Dagdag pa ni Velasco, may ilang mambabatas daw kasi na humihingi sa kaniya ng extension upang makahabol pa umano ang magpapasa pa ng panibagong impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo, bago niya ito iakyat kay House Speaker Martin Romualdez.
“There are also some members who are still requesting for an extension because they are thinking of filing another complaint… a fourth complaint. Wala pang sinabi kung ilan ‘yung mag-i-endorse noon. Basta sinabi lang to wait for the fourth complaint” anang House Secretary General.
Sa kasalukuyan, bineberipika pa raw ng House Secretary General ang tatlong naunang impeachment cases.
Kaugnay naman ng mga lagdang kailangang makalap ng Makabayan bloc upang mas mapadali raw ang proseso ng impeachment mula sa Kongreso at maihain ito sa Senado, nananatili pa rin daw malamig ang paramdam ng ilang mambabatas hinggil sa pagsuporta nila sa nasabing impeachment laban sa bise presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Proseso ng impeachment kay VP Sara, posibleng magahol sa oras?