January 05, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang Generation Beta?

ALAMIN: Ano ang Generation Beta?
Photos courtesy: Canva, Pexels

Sa pagsapit ng taong 2025, isang bagong henerasyon ang isinilang na tinatawag na Generation Beta.

Ayon sa futurist at social researcher na si Mark McCrindle, ang Gen. Beta ay binubuo ng mga ipinanganak mula 2025 hanggang 2039, na inaasahang mabubuhay hanggang sa ika-22 siglo. Inaasahang sa kalagitnaan ng 2030s, bubuo sila ng 16% ng populasyon sa buong mundo.

MGA PANGUNAHING KATANGIAN NG GENERATION BETA

1. Malawakang integrasyon ng teknolohiya

Human-Interest

Tagahugas ng pinagkainan sa family reunion, pinakamahirap sa angkan?

Kung ang Generation Alpha ay saksi sa pag-usbong ng smart technology at AI, kalalakhan naman ng mga Gen. Beta ang panahong ganap nang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang mga teknolohiyang ito.

Mula edukasyon, trabaho, at kalusugan hanggang sa libangan, maglalaro ng mahalagang papel ang AI at automation sa personalisasyon ng kanilang karanasan.

2. Digital at pisikal na koneksyon

Magkakaroon sila ng malalim na ugnayan sa digital na mundo, kung saan magiging normal na bahagi ng kanilang buhay ang mga digital na interaksyon.

Mahalaga ang papel ng mga magulang sa paggabay sa kanilang pagbuo ng ligtas at responsableng digital na pagkakakilanlan.

3. Pagpapahalaga sa pagkakaiba-iba at inklusibidad

Lalaki sila sa isang lipunang mas bukas sa pagbabago at pagtanggap, na magpapalakas ng kanilang pagkamausisa at pagiging inklusibo.

4. Pagharap sa malalaking hamon

Kasama sa kanilang paglaki ang pagharap sa mga pandaigdigang isyu gaya ng climate change, kung saan maaaring maging pangunahing layunin nila ang makabuo ng makabagong solusyon para sa mga problemang ito.

MGA HAMON AT OPORTUNIDAD

1. Demograpikong pagbabago

Kasabay ng pagbaba ng birth rate at pagtaas ng life expectancy, magiging mahalaga ang populasyon sa pagpapanatili ng balanse.

2. Pananaw tungkol sa kinabukasan

Susunod sa Gen Beta ang Generation Gamma (ipinanganak mula 2040 hanggang 2054), na magpapatuloy ng hamon at oportunidad sa isang patuloy na nagbabagong mundo.

Pinaniniwalaan na ang Generation Beta ang magsisilbing tagapagpatuloy ng mga adhikain ng kanilang millennial at Gen Z na mga magulang, na may matinding malasakit sa kalikasan, teknolohiya, at inklusibidad. Sa kanilang mga kamay, umaasa ang lipunan na bubuo sila ng mas ligtas, patas, at maunlad na hinaharap.

Mga Katawagan at Deskripsyon ng Iba't Ibang Henerasyon

Ang salitang "henerasyon" ay tumutukoy sa isang pangkat ng mga taong ipinanganak sa parehong panahon. Sa ating kasaysayan, madalas gamitin ng mga sociologist at eksperto ang mga titulo upang tukuyin ang mga henerasyon batay sa mga trend na naganap sa kanilang panahon.

Narito ang isang maikling paglalarawan ng iba’t ibang henerasyon mula sa Kanluraning kultura batay sa ABC News, GMA News Online at kay Veronica Thompson:

The Lost Generation (1883-1900)

Hinango ni Gertrude Stein ang pangalang ito para sa mga kabataang namulat sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig. Ang kanilang buhay ay punong-puno ng pagkalito at kawalang-pag-asa, na makikita sa mga akda nina Ernest Hemingway at F. Scott Fitzgerald.

The Greatest Generation (1901-1927)

Tinaguriang “G.I. Generation,” ito ang mga indibidwal na lumaki sa panahon ng Great Depression at lumaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binansagan ni Tom Brokaw bilang “the greatest” noong dekada ’90 dahil sa kanilang moralidad at dedikasyon.

The Silent Generation (1928-1945)

Kilala sa kanilang tahimik na pakikibaka, ang henerasyong ito ay nakatuon sa pagkakaroon ng stable na pamumuhay at hindi lumalaban sa gobyerno, sa kabila ng mga pagbabago sa lipunan.

Baby Boomer Generation (1946-1964)

Nagsimula ang henerasyong ito mula sa malaking pagdami ng populasyon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sila ang nakasaksi sa Cold War, moon landing, at civil rights movement, at nakilala sa kanilang optimismo at consumerism.

Generation X (1965-1980)

Tinawag ding “Baby Busters,” ang henerasyong ito ay kilala sa pagiging independent at kritikal sa awtoridad. Napalapit sila sa teknolohiya sa pamamagitan ng unang personal computers at nagkaroon ng higit na pagpapahalaga sa edukasyon.

Generation Y o Millennials (1981-1996)

Ang Millennials ay lumaki sa panahon ng internet at nakaranas ng epekto ng Great Recession. Sila rin ang henerasyong nakasaksi ng 9/11 at aktibong nakibahagi sa mga pagbabago sa teknolohiya.

Generation Z (1997-2010)

Tinawag na “iGen” dahil sa kanilang malapit na koneksyon sa personal na teknolohiya. Sila ang henerasyong mas bukas sa pagkakaiba-iba sa kasarian at lahi, ngunit nakakaranas ng matinding hamon tulad ng climate crisis at mass shootings.

Generation Alpha (2011-2024)

Ang pinakabagong henerasyon na ito ay tinukoy ni Mark McCrindle. Sila ay lalaki sa mas makulay na family dynamics, mas mataas na racial diversity, at mas malawak na economic inequality.

Bagama't hindi dapat limitado sa generational labels ang pagkakakilanlan ng isang tao, hindi maitatanggi ang epekto ng makasaysayang mga pangyayari, teknolohiya, at mga panlipunang pagbabago sa buhay. Ang pag-unawa sa bawat henerasyon ay isang mahalagang hakbang sa mas maayos na komunikasyon at pakikipag-ugnayan.

Sa pagdating ng Generation Beta, isang bagong kabanata ang magbubukas sa kasaysayan ng sangkatauhan, puno ng mga oportunidad at hamon na tiyak na maghuhubog sa hinaharap ng ating mundo.

Mariah Ang