Nasawi ang isang 10 taong gulang na lalaki sa Purok Camunggay, Barangay Candulawan, Talisay City, Cebu matapos siyang mapuruhan sa pagsabog ng ilegal na paputok na “Goodbye Philippines.”
Ayon sa ulat ng isang local media outlet, isang matulis na bagay ang tumama sa dibdib ng biktima, dulot ng naging malakas na pagsabog ng nasabing paputok. Nangyari umano ang insidente sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon noong Enero 1, 2025 bandang ala-una ng madaling araw.
Kinumpirma din ng Talisay City Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na bukod sa nasawing bata, may ilang biktima rin ang tinamaan ng mga debris na nagmula sa sumabog na Goodbye Philippines.
Sa panayam ng media sa Chairwoman ng Brgy. Candulawan na si Josefina Concial, may isang lalaki raw ang nagdala ng nasabing paputok sa kanilang lugar, ngunit nang pumalya ito ay agad na kinuha ng mga biktima at tinakpan ng mga bato at tiles at saka raw muling sinindihan.
"May lalaki na nagpaputok mula sa Bulacao, Cruzan, tatlong firecracker ang pumutok yung isa hindi pumutok. Yung isang hindi pumutok, dinala ng mga bata sa kanila. Sa kung anong kadahilanan, parang pinukpok o ano, sumabog,” ani Concial.
Kasalukuyan na raw silang nakikipag-ugnayan sa pulisya upang malaman ang pagkakakilanlan ng lalaking nagdala ng mga ilegal na paputok sa kanilang lugar.