Nagbigay ng pagbati si Vice President Sara Duterte sa pagpasok ng taong 2025.
Binigyang-diin ng VP Sara ang naging pagsubok noong 2024 na hinamon daw ang katatagan ng mga Pilipino.
“Ang taong 2024 ay sumubok sa ating katatagan at humulma sa atin bilang isang sambayanang naninindigan para sa katarungan at kaunlaran,” saad ni VP Sara.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng Pangalawang Pangulo ang taumbayan na sama-sama raw harapin ang mga hamon sa 2025 na siyang magpapatibay daw sa bansa na nananalig sa Diyos.
“Ngayong 2025, sama-sama nating harapin ang iba’t ibang hamon na magpapatibay sa atin bilang isang bansang patuloy na nananalig sa Diyos at nagtutulungan para sa ikauunlad at ikabubuti ng ating pamilya,” anang bise presidente.
Pinasalamatan din niya ang kaniya raw mga taga-suporta na siyang nagpapakita raw ng pagmamahal sa bayan.
“Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, ako ay nagpapasalamat sa inyong walang-sawang pagmamahal sa bayan na ipinamalas ninyo sa inyong pagsusumikap, pagtitiis, at pagtitiyagang magkaroon ng mas magandang kinabukasan,” ani VP Sara.
Samantala, kung sakaling umusad ang nakabinbing tatlong impeachment cases ni VP Sara sa Kamara, maaari niyang harapin ang impeachment trial ngayong 2025.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nag-react sa impeachment complaints laban sa kaniya: ‘Finally, na-file na!’