Isang sanggol na babae ang kinikilala ngayon bilang unang sanggol na isinilang pagpasok ng 2025.
Ayon sa ulat ng ilang local media news outlet, eksaktong alas-dose (12AM) daw ng madaling araw, isinilang ang nasabing New Year baby.
Sa panayam ng GMA News kay Lea Mae Razo, 27 taong gulang, at ina ng naturang New Year baby na si Alea Jayde, inamin niyang nahirapan daw talaga siyang mag-labor bago mailabas ang kaniyang first born baby.
“Mahirap naman po talaga mag-labor. Lahat ng sakit, nararanasan pero kapag nakita ko na si baby, worth it kahit papaano” ani Razo.
Dagdag pa ni Razo: “Hindi ko naman po ine-expect na manganganak ako eksaktong 12. Siguro ganun talaga, 2025 new blessings din.”
Halos 13 oras daw ang inabot ng labor ni Razo ngunit, ayon naman sa Fabella Hospital ay wala raw naging kumplikasyon sa kaniyang panganganak.
Ibinahagi rin ng Midwife na si May Olipio ang saya raw na kaniyang naramdaman sa matagumpay at ligtas na panganganak ni Razo sa Bagong Taon.
“Iba ‘yung happiness. Iba ‘yung pakiramdam, lalong lalo na wala akong anak. Ganu'n pala ang feeling,” saad ni Olipio.
Samantala, ang 2025 na rin daw ang marka ng pagsisimula ng tinatawag na “Generation Beta,” o ang mga isinilang mula 2025 hanggang 2039, na kikilanin daw sa bilang mga henerasyong sapul sa pag-usbong ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI).