February 22, 2025

Home BALITA National

Kaso ng stroke, ACS at bronchial asthma, tumaas ngayong holiday season

Kaso ng stroke, ACS at bronchial asthma, tumaas ngayong holiday season
MB FILE PHOTO

Mahigpit na pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na pag-ingatan ang kanilang kalusugan lalo na ngayong holiday season matapos na makapagtala ng pagtaas ng mga kaso ng acute complications ng non-communicable diseases (NCDs) gaya ng stroke, acute coronary syndrome (ACS) at bronchial asthma.

Sa datos ng DOH, na inilabas nitong Lunes ng gabi, lumilitaw na nakapagtala na sila ng may 103 kaso ng stroke sa bansa ngayong holiday season, kabilang ang dalawang pasyente, na sinawimpalad na bawian ng buhay.

Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay naitala nila mula Disyembre 22 hanggang 30 lamang, mula sa walong ospital sa bansa na nagsisilbing sentinel sites at tinutukan nila ngayon para mabantayan ang trend ng mga naturang karamdaman.

Anang DOH, sa kanilang pagbabantay ay natuklasan nilang tumataas ang bilang ng mga stroke patients bago matapos ang Disyembre 2024.

National

Chel Diokno, nakiisa sa paggunita ng EDSA anniv: 'Buhay ang EDSA!'

Mula umano sa 12 naitalang kaso ng stroke noong Disyembre 23, umakyat na ito sa 103 pasyente hanggang nitong Disyembre 30 lamang. Dalawa naman sa mga nasabing pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay.

Sinabi ng DOH na naitala nila ang pinakamataas na bilang ng stroke patients sa mga indibidwal na nasa 45 hanggang 64-taong gulang lamang.

Samantala, mula naman sa dalawang kaso lamang noong Disyembre 22, umakyat na sa 62 ang ACS patients na naitala ng ahensya mula sa sentinel sites hanggang Disyembre 30, kabilang ang isang namatay.

Nabatid na karaniwang nasa edad 55 hanggang 74 ang mga pasyenteng tinamaan ng ACS.

Ang ACS ay ilang kondisyon na nauugnay sa biglaang pagbabago sa daloy ng dugo sa puso. Kasama sa mga kundisyong ito ang myocardial infarction o atake sa puso.

Sa kaso naman ng bronchial asthma na nakukuha mula sa usok mula sa mga paputok, iniulat ng DOH, na mula sa anim na kaso noong Disyembre 22, umakyat ang bilang ng sakit sa 63, pagsapit ng Disyembre 30.

Nabatid na mga bata namang mula 0 hanggang 9-taong gulang ang karaniwang nagiging pasyente ng bronchial asthma.

Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ng DOH sa publiko na pag-ingatan ang kanilang kalusugan at pangalagaang ang kanilang puso at baga.

Pinayuhan din sila ng DOH na mag-ehersisyo araw-araw, umiwas sa pagkain ng mataba, matamis, at labis na maalat, gayundin sa labis na pag-inom ng alak.

Dapat din anilang iwasan ang mga mauusok na lugar lalo na sa pulbura ng paputok at tiyaking mayroong tamang gamutan o maintenance medicines.

Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, "Ang pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon ay dapat na naglalakip ng maingat na mga desisyon para sa ating kalusugan. Bigyang-prayoridad natin ang kalusugan ng ating mahal sa buhay habang sinasalubong natin ang Bagong Taon sa isang Bagong Pilipinas kung saan Bawat Buhay Mahalaga.”