Ibibigay raw ni 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Actor in a Leading Role Dennis Trillo ang natanggap niyang cash prize sa "Persons Deprived with Liberty" matapos ang mahusay at pinarangalang pagganap niya bilang isang preso sa pelikulang "Green Bones."
Matatandaang bukod sa natanggap na tropeo na ginawa ni Filipino-American visual artist Jefre Manuel Figueras, nakatanggap din siya ng ₱100,000 cash prize sa Gabi ng Parangal ng MMFF na idinaos noong Biyernes, Disyembre 27, sa Solaire Resorts sa Parañaque City.
Sa panayam kay Dennis matapos ang awards' night, sinabi niyang ang essence daw ng pelikula ay pagiging mabuti, kaya ito raw ang naisip niyang paraan para ipakita ang kabutihan, lalo na sa mundong ipinakita nila sa pelikula. Sumang-ayon naman sa hakbang niya ang misis na si Kapuso star Jennylyn Mercado na kasama niya sa naganap na gabi ng parangal.
"Pareho kami ni Jen na gustong ibigay ang halagang napanalunan ko para sa mga PDL at para matupad ang kanilang mga munting hiling sa kanilang Tree of Hope," aniya.
Ito na ang pangalawang beses na nagwaging Best Actor si Dennis para sa MMFF.
Ang una ay noon pang 2018 para sa pelikulang "One Great Love" subalit hindi siya nakadalo sa Gabi ng Parangal.
Kaya naman sa kaniyang latest Instagram post ay napa-throwback siya rito.
"Throwback taong 2018…hindi ako naka dalo sa gabi ng parangal, pinadala nalang sakin ito, dinala ko sa taping, para mag picture sa tabi ng OB van.," aniya.