Bago pa man sumapit ang Bagong Taon, nito lamang Lunes, Disyembre 30, ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 21 bagong kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok.
Nagdulot ang naturang datos ng 163 kabuuang bilang ng mga nabiktima ng paputok mula Disyembre 22, 2024, kung saan 44% na mas mataas kumpara sa 113 naitalang kaso noong nakaraang taon.
Kaugnay nito, nagbigay ng mga paalala ang ahensya hinggil sa first-aid para sa firecrackers-related injuries.
Narito ang mga dapat gawin bilang paunang lunas kung masugatan o mapaso dulot ng paputok, ayon sa DOH:
* Huwag balewalain kahit maliit lamang ang sugat na natamo mula sa paputok.
* Hugasan agad ang sugat ng sabon at malinis na tubig.
* Takpan ng sterilized gauze bandage o malinis na tela ang nasugatan o napaso mula sa paputok.
* Diinan ang bahaging may sugat para tumigil sa pagdurugo.
Narito naman ang mga dapat gawin kung sakaling maputukan sa mata:
* Padaluyan ng malinis at maligamgam na tubig ang naapektuhang mata. Huwag gumamit ng ice water para rito.
* Huwag kalikutin o kamutin ang naapektuhang mata ng paputok.
* Takpan ang naapektuhan mata gamit ang malinis na tela o gaza.
* Agad magtungo sa emergency room upang mabigyan ng pangkontra sa tetanus.
Narito rin ang mga dapat gawin kung makalunok ng paputok:
* Huwag piliting magsuka.
* Kumain ng hilaw na puti ng itlog (egg white), anim na piraso para sa bata at walo hanggang 12 na piraso para sa matanda.
Inabisuhan ng DOH ang publikong magtungo sa pinakamalapit na health center o tumawag sa 911 o 1555 para sa agarang lunas kung masugatan dahil sa paputok.
“Tandaan: HUWAG MAGPAPUTOK para ligtas sa pagsalubong ngayong Bagong Tao,” saad ng DOH.