January 01, 2025

Home BALITA National

Mga nabiktima ng paputok sa bansa, tumaas ng 35% nitong 2024 – DOH

Mga nabiktima ng paputok sa bansa, tumaas ng 35% nitong 2024 – DOH
(MB file photo)

Tumaas sa 35% ang mga kaso ng mga nabiktima ng paputok nitong taong 2024, ayon sa Department of Health (DOH).

Base sa datos ng DOH na inilabas nitong Linggo, Disyembre 29, mula sa 105 na kasong naitala noong 2023, nasa 142 na ang naitalang kaso ng mga biktima ng paputok ngayong taon, kung saan 17 dito ay naiulat sa loob lamang ng nakalipas na 24 oras.

Naitala ang naturang firecracker-related injuries mula Disyembre 22 dakong 6:00 ng umaga hanggang Disyembre 29. 

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng DOH ang publikong delikado ang mga paputok, lalo na raw sa mga bata at menor de edad.

National

4 sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala ilang oras bago ang Salubong 2025

“Sumasabog ang mga ito at maaring makapinsala sa katawan ng tao. Huwag hawakan ang anumang bagay na sumasabog, dahil ito ay nakamamatay o nakakasugat,” anang DOH.

Pinayuhan din ng ahensya ang publikong iwasang humawak o gumamit ng paputok at lumayo sa mga nagpapaputok, ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga nagpapaputok sa mga publikong lugar, at kung sakaling masabugan ng paputok, magtungo agad sa pinakamalapit na health center o tumawag sa 911 o 1555 para sa agarang lunas.

Matatandaang kamakailan lamang ay naglabas ang Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok, alinsunod sa Executive Order 28 at Republic Act 7183.

MAKI-BALITA: ALAMIN: 28 paputok na ipinagbabawal sa Bagong Taon