Matapos mabalitaang siyam na sinehan na lamang ang nagpapalabas sa Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na “Isang Himala,” nagpaabot si dating senador Leila de Lima ng suporta rito at nanawagan sa publikong suportahan ang mga lokal na pelikula.
Matatandaang noong Biyernes, Disyembre 27, ay ibinahagi ng direktor na si Pepe Diokno na nabawasan at naging siyam na lamang ang bilang ng mga sinehang nagpapalabas ng kanilang pelikula.
MAKI-BALITA: 'Isang Himala,' mapapanood na lang sa 9 na sinehan
Kaugnay nito, sa isang Facebook post nitong Linggo, Disyembre 29, pinuri ni De Lima ang buong team ng “Isang Himala” dahil patuloy raw nilang ipinaglalaban ang mensahe ng pelikula.
“Sa kabila ng pagkakaroon nito ng mas mababang bilang ng sinehan—mga 9 lamang sa buong bansa—patuloy na ipinaglaban ng buong team na iparating ang kanilang mensahe sa pamamagitan ng pelikula,” anang first nominee ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list.
Binati rin ni De Lima si Kakki Teodoro na nakasungkot ng Best Supporting Actress award sa ginanap na MMFF Gabi ng Parangal noon ding Biyernes.
MAKI-BALITA: Kakki Teodoro, 'di inasahan MMFF Best Supporting Actress award
“Nais naming magbigay ng taos-pusong pagbati sa kanilang tagumpay, lalo na sa Best Supporting Actress na si Kakki Teodoro, na talagang nagbigay [l]alim sa kanilang karakter,” saad ni De Lima.
“Suportahan natin ang ating mga lokal na pelikula. Ang bawat proyekto ay bunga ng walang sawang pagtatrabaho ng mga direktor, aktor, at crew. Nawa’y magpatuloy ang tagumpay ng mga lokal na pelikula at ng ating industriya,” dagdag pa niya.
Kasama sa 10 entries ng MMFF, ang Isang Himala ay isang reimagined version ng iconic movie na “Himala.”
Bukod sa Best Supporting Actress award, nasungit din ng Isang Himala ang 4th Best Picture, Best Musical Score, at Best Original Theme Song.
MAKI-BALITA: Listahan ng mga nagwagi sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal