Ang wika ay buhay, nagbabago, at sumasabay sa inog ng panahon. Kagaya ng ibang mga taon, hindi pahuhuli ang 2024 sa panganganak ng iba't ibang salita at terminong naging bahagi ng bokabolaryo ng lahat, lalo na sa social media. Naging laman ng memes at ginamit na katatawanan na binukambibig o ipinost ng isang sikat na personalidad, sa larang man ng showbiz, social media, o politika.
Ano-ano nga ba ang mga salita at terminong nabuo at nauso sa bokabularyo ngayong 2024?
1. OA (Over-acting)
Ang "OA" sa social media ay karaniwang nangangahulugang "over-acting" o "over the top." Ginagamit ito upang tukuyin ang mga taong nagpapakita ng labis na emosyon o reaksiyon sa kanilang mga post, comments, o stories.
Halimbawa, maaaring tawaging OA ang taong nagpo-post ng sobrang daming detalye tungkol sa isang simpleng pangyayari.
OA rin ang tingin kapag tila exaggerated ang pag-express ng kanilang damdamin, tulad ng sobrang drama o sobrang pagyayabang.
Sa madaling salita, ang "OA" ay tumutukoy sa pagiging labis o sobra sa anumang bagay na ina-upload o sinasabi sa social media.
Sa iba pang salita, associated din ang OA sa pagiging "over thinker."
2. Nonchalant
Ang "nonchalant" ay tumutukoy sa pagiging relaxed, tila walang pakialam, o walang masyadong effort na ipinakikita sa pagdadala ng sarili, kahit na sa totoo ay pinag-isipan ito. Sa konteksto ng social media, nauso ang "nonchalant" bilang isang vibe o aesthetic na nagpapakita ng pagiging chill at effortless na personalidad, na tipong parang hindi mo sinasadyang maganda o maayos ang isang bagay, pero halatang pinaghandaan.
Maaari ding tumukoy ito sa pagiging minimalist o simpleng posts o captions na hindi masyadong over-the-top, pero may dating.
Isa pa, ito ay pagiging cool o carefree na nagpapakita ng kawalang-stress o worry sa buhay, o sa madaling sabi ay tila walang reaksiyon, saloobin, o opinyon sa mga bagay-bagay, lalo na sa mga ganap sa social media. Sa mga nagdaang era, maaari itong itumbas sa "ma at pa" (malay ko at pakialam ko," "wafakels," "dedma," o "keber."
3. Very Demure. Very Mindful. Very Cutesy.
"Demure" ang salitang tumatak sa taong 2024, ayon sa desisyon ng "Dictionary.com," dahil sa dami ng mga gumamit nito sa iba't ibang social media platforms.
Naging sikat ang nabanggit na salita, lalo na sa "Very Demure, Very Mindful" dahil sa social media personality na si Jools Lebron, na ginamit niya sa kaniyang TikTok videos.
"The Word of the Year isn't just about popular usage; it reveals the stories we tell about ourselves and how we've changed over the year. And for these reasons, Dictionary.com's 2024 Word of the Year is 'demure,'" mababasa sa pahayag.
"Though the term demure has traditionally been used to describe those who are reserved, quiet, or modest, a new usage has spread through social media — one used to describe refined and sophisticated appearance or behavior in various contexts," pahayag pa.
4. Puksaan
Ang salitang "puksaan" sa social media ay nagmula sa salitang ugat na "puksa," na nangangahulugang "lipulin" o "sirain." Sa konteksto ng social media, ito ay karaniwang ginagamit sa mga diskusyon, lalo na kapag may matinding pagtuligsa o "cancelling" sa isang tao, grupo, o ideya. Kumbaga, ito ay nag-evolve na pagpapakahulugan sa "bardagulan."
5 at 6. Blooms at Eyyy!!!
Ang mga salitang ito ay pinasikat ng tinaguriang "Nation's Girl Group" na BINI, na binubuo ng walong miyembro na sina BINI Mikha, Maloi, Aiah, Gwen, Stacey, Sheena, Colet, at Jhoanna. Blooms ang tawag sa kanilang mga tagahanga at tagasuporta at Eyyy!!! naman ang tawag sa kanilang ekspresyon.
Bago ang kanilang opisyal na debut noong Enero 2021, mahaba at puspusang pagsasanay muna ang pinagdaaan ng mga miyembro ng BINI sa Star Hunt Academy. Mula sa pagpapahusay ng kanilang talento hanggang sa mahigpit na disiplina sa pagda-diet.
Nagbunga naman ang lahat ng hirap at sakripisyong ito dahil lumago ang bilang ng kanilang mga tagasuporta—na kung tawagin ay Bloom—matapos ang mga paglulunsad ng kanilang mga orihinal na kantang tulad ng “Da Coconut Nut,” “Born To Win,” “Na Na Na,” “Pantropiko,” at “Salamin, Salamin.”
7. Shiminet
Umusbong ang salitang balbal na "Shiminet" na nag-trending pa sa X (dating Twitter), matapos dogshowin ng mga netizen ang sinabi ni Vice President Sara Duterte sa kontrobersiyal na budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa House of Representatives noong Agosto 27.
Nagmula ito sa naging sagutan nila ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriela matapos niyang untagin sa iba't ibang timelines at petsa ang Pangalawang Pangulo patungkol sa kaniyang nagdaang confidential funds, ngunit sumagot si VP Sara na nasa Korte Suprema na raw ang pagresolba ng isyu.
Nang tanungin siya ni Brosas kung maaari siyang makakuha ng kopya mula sa Korte Suprema, tahasang sagot ni VP Sara na, "Of course not. I am not the Supreme Court.”
Ngunit giit ni Brosas, "These are public funds. Everyone has the right to know about these. It’s a matter of public interest. We are asking for transparency and accountability."
Tugon naman ni VP Sara, "She may not like my answer. She may not like how I answer. She may not like the content of my answer, but I am answering."
Ilang mga netizen naman ang ginawang memes ang pagbigkas ng salitang "She may not" na ang tunog ay "Shi-mih-net."
Ang Facebook page na "Linya-Linya" ay nagbigay naman ng depinisyon kung ano ang ibig sabihin ng "Shiminet."
Mababasa, "Short for 'shit, mainit;' pakiramdam kapag ginigisa ka sabay wala kang maisagot, kaya dinadaan mo na lang sa angas, pagpapaligoy-ligoy, at pagpapalusot.
Maging ang kilalang manunulat na si Jerry Gracio ay ibinahagi rin ang nabanggit na meme.
"Oks, hindi na kailangan ang KWF, na-settle na ng Linya-Linya ang ispeling," aniya.
Isang nagngangalang "Victor Crisostomo" naman ang naglapat pa ng video ni VP Sara sa isang popular na kanta.
8. Confidential funds
Ang terminong "confidential funds" ay naging tampok sa mga balita at diskusyon sa politika ng Pilipinas dahil sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte, kaugnay sa natanggap na ₱125 milyong confidential funds ng kaniyang opisina, lalo na sa panahon ng kaniyang panunungkulan bilang kalihim ng Department of Education (DepEd). Naging isyu rin ngayon ang mga umano'y kahina-hinalang mga signatories sa acknowledgment receipts na may kaugnayan sa paggamit nga raw ng confidential funds, na nagdulot ng karagdagang pagdududa sa wastong paggamit ng pondo. Isa ito sa mga ugat kung bakit pinananawagan ng ilang mga grupo ang impeachment cases laban sa kaniya.
9. Bangag
Bagama't matagal nang may salitang "bangag" na nangangahulugang "lulong sa droga" o "adik," mas lumutang naman ang salitang ito dahil sa mga alegasyon ng paggamit umano ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ng ipinagbabawal na gamot, lalo't iginiit din ito laban sa kaniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bilang tugon, sinabi naman ni Pangulong Marcos na maaaring epekto ito ng paggamit ni Duterte ng fentanyl, isang malakas na painkiller na inamin ni Duterte na ginamit niya noong kaniyang termino.
Ang insidenteng ito ay isa lamang sa mga nagpalala sa hidwaan sa pagitan ng mga pamilya Marcos at Duterte, na dati'y magkaalyado sa politika.
10. Tamby/Tambaloslos
Noong Mayo 2023, arami ang naintriga sa viral Instagram post ni Vice President Sara Duterte dahil sa makahulugang caption nito kalakip ang kaniyang larawan.
"Sa imong ambisyon, do not be tambaloslos," maanghang na parinig ni VP Sara sa 'di pinangalanang tao.
Ang salitang "tambaloslos," ay sinasabing tumutukoy sa isang mythical creature na inilarawan bilang "halimaw o kakaibang nilalang na may malaking bibig at ari." Maririnig ito sa pokloriko sa Visayas, Bicol, at Mindanao.
Samantala, sa mga Bisaya o Visayan people naman, ang "tambaloslos" ay karaniwang expression lamang na ang ibig sabihin ay "puro ka lang salita" o "puro pagbubunganga lang."
Ang "tambaloslos" ay sinasabi lang umano sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan o sa mga taong hanggang salita lamang.
Ang Cebuano slang word na "tambaloslos" din ay katumbas sa expression gaya ng: "tambaloslos nimo," o "tambaloslos kang daku," na madalas marinig sa 'di pormal na pag-uusap o expression sa kuwentuhang magkakaibigan.
Maaari ding malalim na katumbas umano na kahulugan nito ay "stupid, idiot, or useless."
Hindi naglaon, sa tila lumalalang hidwaan ng kampo nina VP Sara at Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., ay tila ikinakapit ng marami ang salitang "tambaloslos" o "tamby" sa pinsan ng huli na si House Speaker Martin Romualdez, bagama't wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang House Speaker tungkol dito.
Kamakailan lamang ay napabalita ang pagkakasugod daw sa ospital ni Romualdez dahil sa stroke, bagay na pinabulaanan naman niya at sinabing malakas na malakas siya. Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga nagpapakalat ng pekeng balita laban sa kaniya na itigil na ang paninira sa kaniya at makipagtulungan na lamang para sa ikabubuti ng bansa.
11. Screenshots
Ang screenshot ay tumutukoy sa larawan ng display o screen ng isang device na kinuha upang maipakita kung ano ang eksaktong nakikita sa screen sa isang tiyak na oras. Ito ay ginagamit upang mag-record o mag-save ng impormasyon, error, o anumang mahalagang bagay na nasa screen.
Nauso ito ngayon dahil sa dami ng mga isyu, intriga, tsismis, kontrobersiya, at eskandalong nabuking sa publiko dahil sa pagpo-post ng mga screenshot ng mga "resibo" o ebidensya, halimbawa na lamang ang nangyari sa expose ni Jam Villanueva, ex-girlfriend ng Kapamilya actor na si Anthony Jennings, tungkol sa sweet private messages nila ng katambal na si Kapamilya actress Maris Racal.
12. I'll touch myself na lang
At speaking nga sa isyu nina Maris Racal at Anthony Jennings, dahil dito ay nagawan ng meme ang trending na sinabi ni Maris na mababasa sa isa sa mga screenshot ng pag-uusap nila ni Anthony, patungkol sa gagawin na lamang niya sa kaniyang sarili dahil daw sa pagka-miss sa kaniya.
Sa 2025, tiyak na madadagdagan pa ulit ang mga salitang ito dahil sa pagiging dinamiko ng wikang Filipino, shiminet like or not, eyyy!!!