January 07, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

#BALITAnaw: Celebrities na nasangkot, nadawit sa scam, kaso, at eskandalo

#BALITAnaw: Celebrities na nasangkot, nadawit sa scam, kaso, at eskandalo
Photo courtesy: Lee O'Brian, Pokwang, Ogie Diaz, Dominic Roque, Sharon Cuneta, Kiko Pangilinan, Bea Alonzo, Esther Lahbati, Ricardo Cepeda, Jude Bacalso, Sandro Muhlach, Gerald Santos, Enzo Almario, Ken Chan, Rita Daniela, Archie Alemania, Rufa Mae Quinto, Neri Naig-Miranda, BJ Pascual, Denise Julia, Killa Kush (FB/IG/YouTube)

Matatapos na ang 2024 subalit ilang celebrities ang tila hindi pa tapos ang kinasasangkutang mga isyu, kaso, at eskandalong kailangan nilang harapin hanggang sa pagdating ng 2025.

Kahit mga kilalang personalidad ay hindi nakaligtas sa mga asuntong legal na nararapat lamang nilang harapin upang malinis ang kanilang mga pangalan.

Narito ang ilang celebrities, sa mainstream media man o social media, na nakaladkad ang pangalan dahil sa mga umano'y kinasangkutang investment scam at iba't ibang kontrobersiyang humantong sa demandahan.

1. Lee O'Brian versus Pokwang

Tsika at Intriga

Di na alam salitang love life: Piolo 13 years na palang single, bakit kaya?

Na-deport ang American actor at dating partner ni Pokwang na si Lee ‘O Brian ayon sa Bureau of Immigration (BI) noong Abril. Ayon sa BI, naghain si Marietta Subong o Pokwang ng deportation case laban kay O’ Brian dahil wala umano itong “proper working permits.” Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco na na-deport na si O’ Brian noong Abril 8 sakay ng Philippine Airlines flight patungo sa San Francisco matapos ding makumpirma na wala itong anumang kaso rito sa Pilipinas.

Bandang 2023 nang maghain ng deportation at cancellation of visa case si Pokwang laban sa kaniyang ex, matapos ang kanilang kontrobersiyal na hiwalayan.

Naniniwala si Pokwang na ang ama ng kaniyang anak na si Malia ay isang "undesirable alien" na kailangang maipa-deport mula sa Pilipinas.

2. Cristy Fermin at Ogie Diaz versus Bea Alonzo

Nagulat ang showbiz insiders na sina Cristy Fermin at Ogie Diaz nang sampahan sila ng kasong cyber libel ni Kapuso star Bea Alonzo noong Hunyo 18, dahil sa iba't ibang intrigang nasabi nila laban sa kaniya sa kani-kanilang entertainment vlogs. Si Ogie naman ay agad na naghain ng counter affidavit laban dito. Bukod kay Bea, nagsampa rin ng kaso laban kay Cristy sina Esther Lahbati, nanay ng aktres na si Sarah Lahbati, ex-boyfriend ni Bea na si Dominic Roque, at panghuli ay mag-asawang Sharon Cuneta at Atty. Kiko Pangilinan. Sa pagkakataong ito, bandang Oktubre ay nanalo sa kaso ang huli laban kay Cristy subalit agad na nakapagpiyansa ang showbiz insider, at nakatakda pang umapela laban sa cyber libel case. Samantala, wala pang balita sa development ng kasong isinampa laban sa kaniya nina Bea, Esther, at Dominic. Kay Ogie naman, wala pa ring update tungkol sa cyber libel case laban sa kaniya ni Bea.

3. Jude Bacalso versus waiter

Nag-ugat sa pagpapatayo raw niya sa isang waiter ng restaurant sa Cebu City noong Hulyo matapos siyang tawaging "Sir," nag-public apology man ay nauwi pa rin sa demandahan ang naging isyu ng dating host at social media personality na si Jude Bacalso, matapos siyang kasuhan ng waiter ng mga unjust vexation, grave scandal, grave coercion, grave threats, at slight illegal detention. Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang updates tungkol sa mga kasong ito.

4. Ricardo Cepeda

Tuluyan na ngang nakalaya dahil sa piyansa ang batikang aktor na si Ricardo Cepeda matapos ang 11 buwang pagkakakulong dahil sa kasong estafa. Masayang ibinalita ng misis ng aktor na si beauty queen-actress Marina Benipayo, ang tungkol sa paglaya nito sa pamamagitan ng Instagram post noong Setyembre 19.

Makikita sa Instagram post ni Marina ang video nila ni Ricardo sa loob ng kanilang bahay habang sumasayaw sa saliw ng "Don't Be Cruel" ni Elvis Presley.

"He's finally going home! Thank you for your prayers." mababasa sa text caption ng video.

"#11months and finally, he's going home! God is Good! Thank you, everyone for your prayers," caption naman ni Marina sa kaniyang social media posts.

Inaresto ng pulisya ang batikang aktor dahil umano sa kasong syndicated estafa habang siya ay nasa Caloocan City, noong Oktubre 7, 2023.

Ayon sa ulat, hindi umano pumalag ang aktor nang dakpin ito ng Quezon City Police District operatives bandang 11:00 ng umaga.

Ang warrant of arrest ay inihain kay Cepeda sa nabanggit na reklamo, sa ilalim ng Article 314 ng Revised Penal Code na kaugnay ng Presidential Decree 1689.

Inisyu umano ang warrant sa pag-aresto kay Cepeda sa Regional Trial Court Branch 12 ni Judge Gemma Bucayu-Madrid sa Sanchez Mira, Cagayan.

Dinala sa kustodiya ng QCPD headquarters sa Camp Karingal ang aktor, para umano sa dokumentasyon. Hindi naman malinaw kung magkano ang halaga ng puwede niyang piyansa ukol dito, ngunit umabot sa halos isang taon bago siya makapagpiyansa.

5. Sandro Muhlach versus Richard Cruz at Jojo Nones

Bandang Agosto nang humarap sa senate hearing ang dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz kaugnay sa isyu ng sexual harassment na inireklamo laban sa kanila ni Sparkle artist Sandro Muhlach, anak ng dating chil actor na si Niño Muhlach.

Isinagawa ito ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinangungunahan ni Sen. Robin Padilla, kasama pa sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla, at Sen. Joel Villanueva.

Nag-ugat ang isyu sa sexual harassment umano nina Cruz at Nones kay Muhlach, gabi pagkatapos ng isinagawang GMA Gala, nang tawagin daw nila ang aktor sa kanilang tinutuluyang hotel room.

Kasabay ng isyu ay ang pag-ungkat naman ng dating GMA singer na si Gerald Santos sa naranasang sexual harassment noong bata pa siya. Pinangalanan niya ito bilang si musical director Danny Tan. Lumitaw rin ang singer na si Enzo Almario na nagke-claim din sa pananamantala raw sa kaniya ng nabanggit na musical director. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita si Tan tungkol sa isyu, at wala pa ring napabalitang naisampang mga kaso laban sa kaniya.

Bandang Oktubre, napabalitang tinuluyang kasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng one count of rape through sexual assault at two counts of acts of lasciviousness ang dalawang GMA independent contractors.

6. Ken Chan

Nagsimula ang isyu patungkol sa Kapuso actor dahil sa naglabasang blind item patungkol sa isang aktor na bigla na lamang daw nawala sa kaniyang shows at lumipad sa ibang bansa dahil daw sa kaniyang kinahaharap na kasong syndicated estafa. Makalipas ang ilang araw, napangalanan ang blind item na si Ken Chan nga, batay na rin sa mga tsikang inilabas ni Ogie Diaz. Inireklamo si Ken ng investors ng kaniyang itinayong Christmas-themed restaurant na nalugi. Sinilbihan na raw ng warrant of arrest ang aktor subalit hindi nga siya madakip dahil nasa ibang bansa.

Noong Nobyembre 14 ay tuluyan nang nagsalita si Ken tungkol sa isyu habang siya ay nasa ibang bansa. Dito ay matapang niyang inaming nalugi ang kaniyang negosyo at tahimik niyang inihahanda ang sarili sa legal na laban. May mensahe naman siya sa brands, fans, at mga taong naniniwala sa kaniya na patuloy na nagpaparamdam ng suporta at pagmamahal para sa kaniya.

7. Rita Daniela versus Archie Alemania

Bandang Oktubre nang pumutok ang balitang pagsasampa ni Kapuso singer-actress na si Rita Daniela ng reklamong “acts of lasciviousness” sa "Widow's War" co-actor na si Archie Alemania, sa Office of the City Prosecutor sa Bacoor City, Cavite.

Trauma raw ang dinanas ni Rita na siya rin umanong nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang tuluyang magsampa ng reklamo, bagama’t alam daw niya na makakaladkad ang kaniyang reputasyon.

Batay sa kaniyang sinumpaang salaysay, nangyari daw ang naturang harassment ni Archie sa aktres noong Setyembre nang minsan daw alukin ng aktor si Rita na ihatid pauwi.

Pareho silang galing sa thanksgiving party na ginanap sa bahay ng co-star nilang si Bea Alonzo sa seryeng “Widow’s War.” Pareho silang cast member ng show pero sa ngayon, wala na sa istorya ang karakter ni Archie.

Habang nasa daan daw sila pauwi, ay nauna na raw hawakan at haplusin ni Archie ang leeg at balikat ng aktres, na ayon kay Rita ay labag umano sa kaniyang pahintulot at kagustuhan.

Dagdag pa sa nasabing salaysay, maka-ilang beses umano siyang sinubukang nakawan ng halik ni Archie, bagama’t sinubukan daw niyang manlaban nang hilahin siya nito at yakapin, bago pa man daw siya tuluyang makababa ng sasakyan nito.

Samantala, pinabulaanan naman ni Archie ang mga akusasyon sa kaniya ni Rita matapos maghain ng counter-affidavit nitong Disyembre. Bahagi ito ng legal na proseso sa pagsasagawa ng preliminary investigation ng piskalya, bago gumulong ang kaso sa korte.

Matapos nito, naghain din ng counter-affidavit ang kampo ni Rita sa counter affidavit ni Archie.

8. Neri Naig-Miranda

Nakilala ang asawa ni Parokya Ni Edgar lead vocalist Chito Miranda na si Neri Naig bilang isang “wais na misis” dahil sa kaniyang mga naipupundar hindi lang para sa sarili kundi pati sa kaniyang pamilya.

Ayon sa isang artikulo ng Philippine Entertainment Portal (PEP), nagsimulang magsilbing endorser at franchisee ng “Dermacare” si Neri noon pang Oktubre 2020. At sa pag-usad ng mga taon, tila inulan siya ng maraming pagpapala at biyaya sa buhay.

Ang Dermacare, ay ang inirereklamong skin care company na pagmamay-ari ni Chanda Atienza, na nanghihikayat umano sa mga investor na mag-invest sa kanila.

Setyembre 2022 nang ibida ni Neri sa kaniyang social media post ang bagong property na nabili niya sa Cebu. Kalakip din ng post ang ilang tips kung paano niya ginagawa ang pagba-budget ng pera.

Halos tatlong taon simula noong maging endorser at franchisee ng Dermacare ay naputol ang koneksyon ni Neri sa nasabing skin care company.

Kung babalikan ang post niya noong Setyembre 2023, makikitang inabisuhan niya ang kaniyang mga kaibigan at tagasubaybay na hindi na raw siya bahagi pa ng Dermacare.

Hanggang sa dumating ang 2024 at tila hindi naging mabuti sa kaniya ang taon dahil sa isyung kinasangkutan niya.

Nagsimulang lumutang ang tsikang naaresto ni Neri sa showbiz-oriented vlog ni Ogie Diaz na “Showbiz Updates” dahil daw sa paglabag sa Republic Act (RA) 8799 Section 8, o may titulong "Registration of Brokers, Dealers, Salesmen and Associated Persons" ng Security of Exchange Commission o SEC.

Lalong lumakas ang hinala ng mga tao na totoo ang tsika ni Ogie nang kumpirmahin ng Southern Police District na may dinakip silang artistang “Erin” ang Alyas hanggang sa pinangalan na ito ng ABS-CBN sa inilabas nilang ulat.

Hindi nagtagal ay naglabas na rin ng pahayag ang mister ni Neri sa pamamagitan ng social media post.

Nobyembre 28, hiniling umano ni Neri sa korte na ibasura ang 14 counts ng violation of Securities Regulation Code at estafa case na isinampa sa kaniya, at naghain ng motion to quash.

Ngunit sa kasamaang-palad, hindi umano natuloy ang arraignment at inilipat ito sa Enero 9. Nagkaroon ng posibilidad na sa Pasay City Jail Female Dormitory na magdiwang ng Pasko si Neri.

Sa kabila ng pagiging celebrity at estado ng buhay, tiniyak ni JSupt. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na wala silang ibinigay na special treatment sa wais na misis.

Disyembre 4, inanunsyo ng legal counsel ni Neri na naaprubahan ang piyansa ng dating aktres kaya pansamantala itong nakalaya.

Kaya naman, sa kaniyang Christmas post ay makikitang kasama ni Chito at mga anak nila si Neri.

9. Rufa Mae Quinto at Manny Pacquiao

May kinalaman din sa Dermacare na kinasangkutan ni Neri, damay rin sa kaso ang Kapuso comedy star na si Rufa Mae Quinto na endorser din ng nabanggit na klinika, gayundin si dating senador at Pambansang Kamao Manny Pacquiao.

Ibinahagi ng showbiz insider na si Ogie Diaz ang nasagap niyang tsika tungkol sa kanilang dalawa noong Nobyembre 28, na silang dalawa ay sinilbihan din umano ng warrant of arrest.

Disyembre 3, binasag ni Rufa Mae ang kaniyang katahimikan kaugnay sa mga kasong isinampa sa kaniya dahil sa paglabag umano sa Section 8 of the Securities Regulations Code

Sa inilabas na pahayag ng abogado ni Rufa, pinabulaanan ng komedyante ang mga kasong ibinibintang sa kaniya. Kaya naman nalulungkot daw si Rufa na nadadawit ang kaniyang pangalan sa ganitong klaseng isyu. Gayunman, buo raw ang loob niyang lalabas pa rin ang katotohanan kalaunan. Sa huli, pinasalamatan ni Rufa ang mga nagpaabot sa kaniya ng pagmamahal at suporta sa kabila ng nangyari.

10. Denise Julia versus BJ Pascual at Killa Kush

Bago matapos ang Disyembre ay humabol pa sa isyu ang R&B singer na si Denise Julia matapos iispluk ng celebrity photographer na si BJ Pascual na siya ang "worst experience" niya pagdating sa kaniyang mga nakatrabaho, sa podcast ng content creator na si Killa Kush.

Isinalaysay ni BJ ang kaniyang karanasan sa team ni Denise, na nagkansela raw ng kanilang napag-usapang photoshoot isang araw bago mangyari ito. Sinabi rin ni BJ na hindi raw nagbayad ang kampo ni Denise sa mga nagastos nila ng kaniyang team; mabuti na lamang daw at natawagan niya ang actress-model na si Sarah Lahbati at pumayag na saluhin ito at makihati sa gastos.

Disyembre 25 naman ng madaling-araw nang rumesbak si Denise at ipinaliwanag ang kaniyang panig sa pamamagitan ng screenshots ng negosasyong naganap sa pagitan ng kaniyang team at team ni BJ. Lumalabas na hindi raw sila nagkasundo sa presyuhan, sa una pa lamang, dahil sa isyu ng budget.

Bagama't nagkapatawaran na, sinabi ni Denise na nakikipag-ugnayan na raw siya sa kaniyang legal team sa mga posibleng hakbang niya laban kay BJ.

Posible ring madamay sa kaso si Killa Kush matapos ang simpleng pagsasabi niya rito ng "I will see you in court," nang magpadala ito ng private message sa kaniya.

Nakakaloka ang mga pasabog na ito, kaya abangan na lamang kung ano ang mangyayari sa mga eskandalong ito sa 2025!