Papahalagahan daw ni Kapuso star Ruru Madrid ang parangal na iginawad sa kaniya bilang “Best Supporting Actor” sa pelikulang “Green Bones” ni Direk Zig Dulay.
Sa ginanap kasing 2024 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal nitong Biyernes, Disyembre 27, ibinahagi ni Ruru sa kaniyang talumpati ang pagiging underdog sa buong buhay niya.
“Buong buhay ko, lagi po akong underdog. Lagi akong talo, naa-underestimate. Lagi akong ibinababa. Pero no’ng una, nasasaktan ako. Iniisip ko, bakit?” saad ni Ruru.
“But then I realized na kaya pala siya nangyayari sa akin, para ‘pag dumating ‘yong araw na ibibigay na sa akin ‘yong kapalit no’n, katulad po nito, hindi ko po ite-take for granted lahat ng ‘yon,” wika niya.
Dagdag pa ng aktor, “Alam ko ‘yong hirap na pinagdaanan ko bago ko nakuha ‘to. At hindi po ‘yon naging madali.”
Kaya naman pinasalamatan ni Ruru ang lahat ng mga taong naniniwala sa kaniya simula noong una kabilang na ang jowang si Bianca Umali na kasama niyang dumalo sa Gabi ng Parangal.
Matatandaang nasungkit din ng “Green Bones” ang “Best Screenplay” at “Best Picture.” Tagumpay namang naiuwi nina Dennis Trillo ang “Best Actor” at “Best Child Performer” naman ang kay Sienna Stevens.
MAKI-BALITA: Listahan ng mga nagwagi sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal