Sa pagdiriwang ng Paskong Pinoy sa Geneva noong ika-8 ng Disyembre 2024 na ginanap sa Salle Communale de Plainpalais, isang maagang pamasko ang inihandog ng Konsulado para sa ating mga kababayang OFW na naninirahan sa Geneva, Switzerland.
Ipinahayag ni Ambassador Carlos D. Sorreta, Permanent Representative ng Permanent Mission ng Pilipinas sa United Nations sa Geneva, na sa darating na bagong taon 2025, magdaragdag ang konsulado ng isang Sabado kada buwan ng bukas na opisina sa Allée David-Morse 14-16, 1202 Geneva, Switzerland para sa mga gawaing konsulado bilang karagdagang serbisyo publiko. Isa itong malaking tulong para sa ating mga kababayang nagtratrabaho at naninirahan sa Geneva, lalo pa’t sa lugar na ito ang karamihan ng opisina ay sarado sa katapusan ng linggo.
Malugod na tinanggap ng Filipino Community ang pahayag na ito, na binigyang diin din ni Ambassador Bernard Faustino Dy ng Embahada ng Pilipinas sa Switzerland na dumayo mula Bern kasama ang kaniyang mga anak para makiisa sa Paskong Pinoy sa Geneva.
“Nothing beats a Christmas celebration like how it is with the Filipino community (Walang makakatalo sa pagdiriwang ng Pasko tulad ng pagdiriwang kasama ang komunidad ng kapwa Pilipino),” pahayag ni Consul General Felipe F. Cariño III na dumalo rin sa pagdiriwang kasama ang kaniyang buong pamilya.
Bukod sa iba’t-ibang pagkain at produktong Pinoy sa Filipino Food Bazaar, ang lahat ng dumalo ay napasaya rin ng programang handog kabilang na ang pagtugtog ng External Link Band, ang Christmas Tree Decoration Contest, UB’s Got Talent Christmas Edition, at siyempre di rin mawawala ang pa-raffle sa Tombola at Fund Raising for a Cause.
Ang Paskong Pinoy sa Geneva 2024 na may temang "Kapayapaan at Pagmamahalan Tunay na Diwa ng Pasko" ay pinangunahan ng Ugnayang Bayan, ang malawakang organisasyon na binubuo ng iba’t-ibang grupo ng Pinoy sa Switzerland, sa pamumuno ni Mr. Gerry De Rama.
“I guess this is the wish that all of us have for each other. That we find genuine love: love for each other; love for the community; love for the country… At para sa tema ng kapayapaan, alam po natin ang nangyayari, di lang sa Pilipinas kundi sa mundo. We can be part of the (peace) process. Simulan po natin through our Geneva community as we are all Philippine Ambassadors of Peace here in our adopted community in Geneva, Switzerland,” payahag pa ni Atty. Felipe Carino III, Consul General.
Nagpaabot din ng kanyang mensahe si Labor Attaché Cheryl Daytec-Yañgot, ng Philippine Migrant Workers Office sa Geneva na sumesentro sa pag-asa at pagkakaisa para sa ating mga kababayang OFW na naglalayag sa buhay sa ibang bayan (message of hope and solidarity for OFW navigating life abroad).
Tunay na naging maligaya ang sama-samang pagdiriwang ng kapaskuhan para sa mga migranteng Pinoy sa Geneva, Switzerland.