Nanindigan si House Speaker Martin Romualdez na naging matagumpay daw ang pagtatapos ng 19th Congress.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin nitong Sabado, Disyembre 28, 2024, inihayag ng House Speaker ang mga nagawa ng 19th Congress sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“We are well on track to achieving our legislative goals under President Marcos administration. These laws and measures are concrete testaments to our unwavering commitment to the welfare and progress of our nation,” ani Romualdez.
Batay umano sa pahayag ni Romualdez, tinatayang nasa 27 mula sa 28 na priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang kanilang naipasa, habang nasa 61 mula sa 64 naman ang kanilang natapos na priority measures mula sa Common Legislative Agenda (CLA) para sa 19th Congress.
Nakatakdang magtapos ang 19th Congress sa darating na Hunyo 6, 2025, pagkatapos ng 2025 midterm elections.
Saad ni Romualdez, prayoridad daw nilang matapos ang LEDAC priority bills sa mga natitira pa nilang buwan sa pamahalaan sa pagpasok ng 2025.
“We worked tirelessly to ensure the passage of laws that directly impact the lives of Filipinos as instructed by President Marcos. Our goal remains to finish strong by passing the remaining measures to achieve 100% approval of all LEDAC priority bills,” anang House Speaker.
Dagdag pa ng House Speaker: “We are working hand in hand with the executive branch to ensure that these measures address our people’s needs and aspirations.”
Samantala, sa Enero 13 muling magbabalik ang sesyon ng Kamara na nagtapos noong Disyembre 18 bago ang holiday break.