Patuloy umano ang pagtutok ng Department of Agriculture (DA) sa paggalaw ng presyo ng mga prutas, ilang araw bago sumapit ang 2025.
Ayon sa DA, nananatili raw ang presyo ng mga prutas na bilog sa Metro Manila, na kalimitang pinamimili ng mga Pinoy sa tuwing Bagong Taon, mula ₱60 hanggang ₱600.
Para sa mga nagbabalak na kumpletuhin ang 12 prutas sa lamesa bago mag-Medianoche, narito ang inihayag na presyo ng DA para sa ilang bilog na prutas:
Para sa pakwan, naglalaro ang presyo nito mula ₱60 hanggang ₱90. Nagsisimula naman sa ₱80 hanggang ₱250 ang presyo ng pomelo. Ang melon naman ay naglalaro ang kilo mula ₱60 hanggang ₱140. Nasa ₱300 hanggang ₱600 naman ang presyo ng kilo ng avocado habang ₱150 hanggang ₱300 per kilo ang mangga; at ₱60 hanggang ₱90 naman ang kilo ng papaya.
Samantala, inilabas din ng DA ang ilang presyo ng karne na nagsisimula ang kilo mula ₱290 hanggang ₱500.
Batay daw sa naging monitoring ng ahensya nasa ₱290 hanggang ₱370 ang kilo ng pata ng baboy habang nagsisimula naman sa ₱330 hanggang ₱410 ang kilo ng pork belly. Ang presyo naman ng manok ay nagsisimula sa ₱185 hanggang ₱230 habang nasa ₱320 hanggang ₱500 naman ang presyo ng karne ng baka.