Inilabas ng Social Weather Station (SWS) na marami pa rin umano sa mga Pilipino ang umaasa na giginhawa ang buhay pagpasok ng taong 2025.
Batay sa inilabas na resulta ng SWS survey nitong Biyernes, Disyembre 27, 2024, nasa 90% pa rin daw ng mga Pilipino ang malaki ang pag-asang bitbit sa 2025, bagama’t mas mababa raw ito kumpara sa 96% noong 2023.
Samantala, 10% naman daw ng mga Pilipino ang tila may takot na sasalubong sa Bagong Taon. Kumpara sa nakaraang survey ng SWS noong 2023, mas tumaas daw ng 7% ang mga Pinoy na may agam-agam umano sa pagsalubong sa paparating na taon.
Isinagawa ang naturang survey mula Disyembre 12 hanggang Disyembre 18 na nilahukan ng 2,160 katao. Batay pa sa nasabing resulta, kalimitan daw ng mga Pinoy na malaki ang pag-asa sa 2025 ay pawang mga college graduates. Habang nasa Luzon naman daw ang may pinakamaraming nagsabi ng kanilang magandang paniniwala para sa paparating na taong 2025.
Matatandang noong nakaraang Kapaskuhan nang magsagawa rin ng survey ang SWS kung saan lumabas na 65% sa mga Pilipino ang umasang magiging masaya raw ang pagdiriwang nila ng Pasko.
KAUGNAY NA BALITA: 65% ng mga Pinoy, umaasang magiging masaya ang Pasko