Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isa na ang naitalang nasawi dulot ng paggamit ng paputok.
Ayon sa kumpirmasyon ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo sa kaniyang panayam sa Teleradyo Serbisyo nitong Sabado, Disyembre 28, 2024, isang 78 taong gulang na lalaki ang binawian ng buhay matapos umanong magpaputok ng Judas’ Belt.
“Mayroon tayong first reported death, isang 78 years old na lolo na gumamit ng Judas' Belt. Hindi siya iligal na fireworks,” ani Domingo.
Dagdag pa ni Domingo, noong Disyembre 22 raw nang ma-admit sa ospital ang biktima ngunit nitong Biyernes lamang, Disyembre 27 nang tuluyang bawian ng buhay.
Inihayag din ng ahensya na mayroon na rin umanong naitalang mga pasyenteng tuluyan nang pinutulan ng bahagi ng kanilang katawan na lubhang napinsala matapos daw masabugan ng paputok.
"Ito 'yung mga bahagi ng katawan na tinamaan — ang mata ay halos kalahating porsyento. Sumunod ang kamay, ulo, tapos ang ating mga hita at mga braso. Mayroon na pong pito ang nagkaroon ng amputation,” saad ni Domingo.
Kumpara daw sa mga naitalang firecrackers related injuries noong 2023, tuluyan na raw itong nalagpasan ng bilang ng mga naputukan ngayong taon.
“Kapag tiningnan natin yung cumulative, ibig sabihin December 21 hanggang kagabi, December 27 at December 28 ng madaling araw — mas marami yung mga kaso. Ngayon nasa 125 na tayo, ito ay 30 percent or 29 percent higher compared doon sa 2023 na 97 na kaso lamang," paglilinaw ni Domingo.
Matatandaang nasa 231 pasyente dulot ng paputok ang naitala ng DOH mula Disyembre 21, 2023 hanggang Enero 1, 2024.