Hindi katapusan kundi kaganapan ng buhay ang kamatayan. Sa oras na natanggap daw ng tao ang hangganan niya, doon lang siya magsisimulang mabuhay.
Bago matapos ang 2024, balikan ang mga tanyag na personalidad sa kani-kanilang larangan na namaalam sa mundong ibabaw ngayong taon.
1. ROMY VITUG (ENERO)
Pumanaw ang batikang cinematographer na si Romeo “Romy” Vitug sa edad na 86.
Kinumpirma ng anak ni Romy na si Dana Vitug Taylor ang tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan ng Facebook post noong Enero 18.
Bagama’t walang binanggit hinggil sa dahilan ng pagkamatay ni Romy, matatandaang iniulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong Disyembre 2023 ang tungkol sa paghingi ni Dana ng tulong-pinansiyal para sa kaniyang amang nasa Gentri Medical Center and Hospital dahil sa sakit na anemia at pneumonia.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga nakatrabaho at nakasalamuha ni Romy sa industriya gaya nina Jerry Gracio, Luke Miraflor, Emmanuel Dela Cruz, Andrew Leavold, at iba pa.
MAKI-BALITA: Kilalanin: Ang pumanaw na batikang cinematographer na si Romy Vitug
2. JACLYN JOSE (PEBRERO)
Bagama’t wala pang malinaw na detalye, unang pumutok ang balitang sumakabilang-buhay na ang batikang aktres na si Jaclyn Jose sa Facebook post ni GMA showbiz news journalist Nelson Canlas noong gabi ng Marso 3.
Kinabukasan, Marso 4, humarap sa publiko ang anak ni Jaclyn na si Andi Eigenmann para magbigay ng opisyal na pahayag sa kumpirmasyong yumao na nga ang ina
Ayon kay Andi, heart attack umano ang dahilan ng pagpanaw nito. Kasunod nito ang pagpapaabot niya ng pasasalamat sa mga nakiramay at nanalangin para sa kaniyang ina. Umapela rin siya sa publiko na igalang ang kanilang pagluluksa.
Ginampanan ni Jaclyn ang karakter ni "Chief Espinas" sa patok na primetime series na "FPJ's Batang Quiapo" bago siya namaalam sa mundo.
3. RENE SAGUISAG (ABRIL)
Kinumpirma ni Atty. Rebo Saguisag ang pagpanaw ng kaniyang amang si dating senador Rene Saguisag nitong Martes, Abril 24.
Sa kaniyang Facebook post, hiniling ni Rebo na bigyan sila ng kaniyang pamilya ng ilang panahon para makapagluksa nang pribado.
“We will soon announce details of the service honoring his life, and we look forward to the opportunity to gather and pay tribute to a life lived with integrity and purpose,” anila.
Isa sa mga mahalagang naiambag ni Saguisag bilang ay ang pag-aakda ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
MAKI-BALITA: Kilalanin: Dating senador Rene Saguisag
4. CARLO J. CAPARAS (MAYO)
Kinumpirma ni Peachy Caparas ang pagpanaw ng ama niyang si Carlo J. Caparas sa gulang na 80 sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Mayo 25.
Si Caparas ay isang batikang direktor, manunulat, at manlilikha ng komiks na isinilang umano noong Marso 12, 1944 sa Pampanga.
Ngunit nabalot ng kontrobersiya ang pagkatao ni Caparas noong hirangin siya bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal at Pelikula na binawi kalaunan ng Korte Suprema noong 2013.
5. DINKY DOO (HULYO)
Namaalam sa mundo ang komedyanteng si Dinky Doo noong Hulyo sa sa edad na 66. Kinumpirma ito ng nagpakilalang anak ng komedyante sa kaniyang Facebook account.
Sinegundahan ito ng malalapit na kaibigan ni Dinky sa showbiz tulad ni Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr. Pero hindi na nagbigay pa ng detalye ang pamilya tungkol sa naging dahilan ng pagkamatay ng komedyante.
Matatandaang nagsimula ang karera ni Dinky sa showbiz noong 1986 sa pelikulang "Inday Inday sa Balitaw."
MAKI-BALITA: Komedyanteng si Dinky Doo, sumakabilang-buhay na
6. LILY MONTEVERDE (AGOSTO)
Tila hindi nakayanan ni Mother Lily Monteverde ang lungkot na dulot ng pagpanaw ng mister niyang si Remy Monteverde.
Isang linggo kasi matapos mamaalam ang kaniyang asawa, sumakabilang-buhay na rin si Mother Lily sa edad na 85.
Kinumpirma ng anak ni Mother Lily ang naturang balita sa GMA News noong Agosto 4. Ngunit hindi na binanggit pa sa ulat kung ano ang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Itinuturing si Mothery Lily bilang "matriarch" ng Philippine movie dahil sa mga de-kalidad na pelikulang na-produce ng Regal Films/Entertainment na pagmamay-ari niya mismo.
MAKI-BALITA: Lily Monteverde, pumanaw halos isang linggo matapos sumakabilang-buhay ang mister
7. MAGGIE SMITH (SETYEMBRE)
Pumanaw ang veteran British actress na si Maggie Smith sa gulang na 89 noong Setyembre 27. Inanunsiyo ng mga anak niyang sina Toby Stephens at Chris Larkin ang naturang balita.
"It is with great sadness we have to announce the death of Dame Maggie Smith,” saad nila sa pahayag.
Dagdag pa nila, “She passed away peacefully in hospital early this morning, Friday 27th September. An intensely private person, she was with friends and family at the end.”
Si “Professor Minerva McGonagall” sa Harry Potter franchise ang isa sa mga kilalang karakter na ginampanan ni Maggie sa kaniyang career.
Pero bago pa man ito, nakasungkit na siya ng dalawang Oscars 1970 at 1979 dahil sa mahusay niyang pagganap sa “The Prime of Miss Jean Brodie” at California Suite.
MAKI-BALITA: Veteran British actress Maggie Smith, pumanaw na
8. GILOPEZ KABAYAO (OKTUBRE)
Pumanaw ang National Artist for Music nominee at well-known violinist na si Gilopez Kabayao sa edad na 94 noong Oktubre 12.
Inanunsyo ng misis niyang si Corazon Kabayao ang nasabing balita sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Ayon sa kaniya, pumanaw si Gilopez sa kanilang lugar sa Iloilo City matapos ang “brief illness.”
Base sa ulat ng Manila Bulletin, si Gilopez ang pinaniniwalaang kauna-unahang Pinoy na tumugtog sa prestihiyosong Carnegie Hall sa New York City sa edad lamang na 19-anyos.
Ginawaran si Lopez ng Presidential Award of Merit noong 1969 at Ramon Magsaysay Awards noong 1972.
MAKI-BALITA: National Artist for Music nominee Gilopez Kabayao, pumanaw na
Samantala, ninomina naman siya nitong 2024 ng Iloilo Dinagyang Foundation Inc. (IDFI) para sa Order of National Artist.
9. LIAM PAYNE (OKTUBRE)
Sumakabilang-buhay ang dating miyembro ng One Direction na si Liam Payne sa edad na 31 noong Oktubre 17.
Ayon sa mga ulat, natagpuang wala ng buhay ang British singer matapos umano itong mahulog mula sa ikatlong palapag ng hotel na kaniyang tinutuluyan sa Argentina.
Pinaniniwalaang nasa impluwensiya umano ng illegal drugs at alcohol si Liam bago siya binawian ng buhay.
Nakilala si Payne bilang miyembro ng Bristish boyband na One Direction kung saan niya nakasama sina Harry Styles, Zayn Malik, Louis Tomlinson at Niall Horan. Nabuo ang grupo noong 2010.
Matapos ang nangyaring insidente, naglabas ng kani-kanilang pahayag ang kagrupo ni Liam bilang pag-alala sa naging buhay nito.
MAKI-BALITA: Liam Payne, pumanaw na
MAKI-BALITA: Liam Payne, nasa ilalim umano ng impluwensya ng illegal drugs bago pumanaw?
MAKI-BALITA: One Direction at members nito, naglabas ng pahayag; 'devastated' sa pagpanaw ni Liam
10. MERCY SUNOT (NOBYEMBRE)
Bago tuluyang bawian ng buhay, nagawa pang umapela ng dasal ni Mercy Sunot, isa sa mga lead vocalist ng bandang Aegis, matapos niyang sumailalim sa isang operasyon.
MAKI-BALITA: Mercy Sunot ng Aegis, umapela dahil sa lung cancer: 'Pag-pray n'yo ko!'
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP), pumanaw si Mercy sa Stanford Hospital and Clinics sa San Francisco, California, noong gabi ng Nobyembre 17 (Nobyembre 18 ng umaga sa Pilipinas).
MAKI-BALITA: Mercy Sunot ng Aegis, pumanaw na
Kasunod nito ay lumabas ang mga haka-haka tungkol sa dahilan umano ng pagpanaw ng nasabing lead vocalist. Kaya naman naglabas ng pahayag ang Aegis para pabulaanang nagbibisyo si Mercy.
Sa huli, hiniling ng Aegis na sana raw ay magsilbing pagkakataon ito para sa lahat upang makapagmuni-muni at maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon.
MAKI-BALITA: Aegis, pinabulaanan pagbibisyo ni Mercy Sunot