December 28, 2024

Home BALITA National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!
Photo courtesy: Juan Carlo de Vela/MANILA BULLETIN

Iniulat ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 101 ang naitala nilang fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa.

Sa inilabas na datos ng DOH nitong Biyernes, nabatid na nakapagtala pa sila ng 32 bagong kaso ng biktima ng paputok, na mas mababa sa 75 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Ayon sa DOH, ang naturang kabuuang kaso ay kanilang naitala mula noong Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 27, base sa ulat ng kanilang 62 sentinel sites.

Nabatid na 82 sa mga biktima ay nagkakaedad lamang ng 19-taong gulang pababa habang ang 19 naman ay nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas.

National

DOH, nakapagtala ng 284 aksidente ngayong Kapaskuhan; mas mataas kaysa 2023

Nasa 92 ng mga biktima ay mga lalaki habang siyam naman ay mga babae.

Anang DOH, nasa 80 o 79% naman ng total FWRI cases ay dulot ng ilegal na paputok, gaya ng boga, 5-star at piccolo, kabilang 65 o 64% na aktibong gumamit ng paputok.

Kaugnay nito, muli ring nanawagan ang DOH sa publiko, partikular na sa mga bata na huwag gumamit ng paputok upang makaiwas sa disgrasya.

Binigyang-diin ng DOH na maaari namang gumamit ng alternatibong pampaingay gaya ng torotot o musika.

Sakali anilang mangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency.