Tahasang pinuna ng ilang mambabatas mula sa Makabayan bloc ang balak umano nina Vice President Sara Duterte at kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging magkasangga sa haharaping impeachment cases ng pangalawang pangulo.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin nitong Huwebes, Disyembre 26, 2024, naglabas ng joint statement ang Makabayan Bloc at tinawag na taktika lamang daw ang planong pagtayo ni FPRRD bilang isa sa mga abogado raw ni VP Sara kung sakaling matuloy ang pagdinig ng impeachment laban sa kaniya.
“We, the Makabayan bloc representatives in Congress, view Vice President Sara Duterte's move to tap her father, former president Rodrigo Duterte, as her lawyer in the impeachment complaints as nothing but a desperate political maneuver to evade accountability for her misuse of confidential funds,” anang grupo.
Para kay ACT-Teachers Party-list Representative France Castro, tila nagtatago lang daw sa likod ng kaniyang ama si VP Sara.
“Imbes na sagutin nang diretso ang mga tanong ukol sa pag-misuse ng confidential funds, nagtatago pa sa likod ng kanyang ama. This is clearly a desperate attempt to rally political support following her declining satisfaction ratings,” ani Castro.
Iginiit naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na tila nakakalimot daw si VP Sara na may sariling kaso rin umano si FPRRD na dapat niyang harapin.
“The Vice President seems to assume her father is free to defend her, forgetting that he himself faces potential charges for violations of International Humanitarian Law, whether in local courts as per the [quad-comm's] recommendation or at the International Criminal Court (ICC),” saad ni Brosas.
Tinawag namang palabas ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang naturang balak nina VP Sara.
“This father-and-daughter legal team-up is nothing but political theater. Ang dapat gawin ni VP Sara ay sagutin ang mga alegasyon ng malversation at hindi ang gumawa ng mga political spectacle,” ani Manuel.
Matatandaang inihayag ni VP Sara na nagkusang-loob daw si FPRRD na maging abogado niya matapos daw niyang tanggihan ang alok nitong pera para sa mga gagastusin niya kung sakaling tuluyang umusad ng impeachment laban sa kaniya sa darating na 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Pagtayo ni FPRRD bilang abogado ni VP Sara, walang problema—solon