December 27, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Guro, kumasa sa ipon challenge para mabigyan ng Christmas party kaniyang advisory class

Guro, kumasa sa ipon challenge para mabigyan ng Christmas party kaniyang advisory class
Photos courtesy: Jerwin Jose/FB

“Ang mahalaga no’ng dumaan sila sa buhay mo may natutuhan sila sa’yo. May nabago sa buhay nila.”

Sa gitna ng hirap ng buhay at iba’t ibang hamon sa pagtuturo, isang guro mula sa General Tomas Mascardo National High School sa Imus, Cavite ang nagpatunay na walang imposible basta’t may pagmamahal at dedikasyon na siyang nagpatotoo sa kasabihan na ang mga guro ay pangalawang magulang ng mga mag-aaral kapag nasa eskwela.

Si G. Jerwin Jose o mas kilala bilang “Maestro Ejay”, 29 anyos at isang Filipino subject teacher, ay kumasa sa isang taunang “ipon challenge” upang mabigyan ng masayang Christmas party ang kaniyang advisory class na Grade 7-Camia.

Ayon kay Sir Ejay , inspirasyon niya ang mga mag-aaral na minsan niyang pinangarap noong siya’y estudyante pa.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

“Pinangako ko sa sarili ko na once na ako'y maging guro yung mga bagay na gusto ko noon ay ibabalik ko sa mga estudyante ko. Sila talaga yung naging inspirasyon ko para gawin itong ipon challenge na ito,” aniya.

Paghahanda at Pag-iipon

Sinimulan ni Sir Ejay ang kaniyang ipon challenge noong Disyembre ng nakaraang taon, gamit ang maliit na alkansya. Ang bawat ₱20 na bill na meron siya, pati na rin ang ilang barya, ay itinabi upang maipon para sa Christmas party.

Bukod dito, maingat niyang pinlano ang tema, mga laro, at iba pang detalye ng pagdiriwang, katuwang ang mga magulang ng kaniyang mga mag-aaral.

“Hindi talaga siya madali to the extent na kailangan mong magtabi ng resources, mag-ipon para makapag-provide talaga ng maayos at magandang party. 9:00PM ako natapos last December 18 kasi inayos, naggawa ng lobo, kinabit yung backdrop at talagang yung pagod grabe kaya sabi ko kahit pagod yung nilolokforward mo na makita mo silang masaya nawawala lahat yun e kapag nakita mo yung saya sa kanilang nga labi tas sinasabi nila na hindi namin ito malilimutan sir. So yun talaga yung tumatatak sa isipan ko hanggang ngayon," paliwanag niya.

Memorable na Pagdiriwang

Noong Disyembre 19, natupad ang matagal nang pinlano ni Sir Ejay para sa kaniyang mga mag-aaral. Ang kanilang Christmas party ay puno ng kasiyahan, sorpresa, at emosyonal na sandali. Isa sa mga pinaka-naaalala ng guro at mga mag-aaral ang activity kung saan nagbigay sila ng mga tali na sumisimbolo ng pasasalamat, paghingi ng tawad, at pagtatapat ng damdamin sa kanilang mga kaklase.

“Nakakatuwa kasi no'ng ginawa namin yung activity na iyon. Tumulo talaga yung luha nila. Very emotional sila. Sabi nila sir this is the most memorable Christmas party. Kasi hindi lang siya saya, binuksan din natin yung to reconcile to thank sa mga tao na nakasama nila throughout their journey sa kalahating taon nila sa Grade 7 nila,” kuwento niya.

Mga Hamon at Sakripisyo

Hindi naging madali ang lahat para kay Sir Ejay. Bukod sa hamon ng pag-iipon at oras, kinailangan din niyang harapin ang iilang mga negatibong komento mula sa ibang tao. Gayunpaman, nanatili siyang positibo at mas naging determinadong gawing mas espesyal ang araw para sa kaniyang mga mag-aaral.

“Siguro pinakamasakit na narinig ko is yung hindi sila worth it bigyan kasi ‘di daw ok ‘yung ugali. Puwede mong iparamdam doon sa bata yung ganoong saya ng hindi gumagastos. Wherein sa akin kasi iyan na yung yearly na thanksgiving ko sa Diyos pasasalamat na sa lahat ng biyayang natatanggap ibinabalik ko sa Kaniya through that,” dagdag niya.

Inspirasyon para sa kapwa Guro

Bilang mensahe sa mga kapwa guro, binigyang-diin ni Sir Ejay na hindi kailangang maging perpekto ang bawat effort, basta’t taos-puso itong ginagawa.

“Sabi ko nga sa mga kasama ko hindi niyo kailangan na gumastos ng malaki, hindi niyo kailangan gayahin yung ginagawa ko kasi naniniwala ako na we teachers naman ay unique in our own way. Hindi niyo kailangan mamigay ng 50 o 100 isa-isa kahit isang ballpen regalo malaking bagay na sa kanila iyon na natutuwa ako na nainspire sila na hindi kailangang puro pera na wherein thru materials yung mga bata na-appreciate din nila ng sobra kasi yung effort ay nakikita nung mga bata,” pagbabahagi niya.

Kapag naman daw may pagkakataong nawawalan ng pag-asa ang mga guro sa kanilang tinahak na propesyon lagi lamang daw balikan ang rason kung bakit pinili na maging guro tiyak na mawawala ang takot, pangamba at pagod nila.

“Additional message sa kapwa teachers, ‘pag nawawalan na ng pag-asa isipin mo lang yung araw kung bakit mo pinili na maging guro. Mapapawi lahat ng takot, pangamba at pagod.” saad niya.

Hanggang kailan siya magtuturo?

Nang tanungin kung hanggang kailan niya nakikita ang sarili bilang guro, sinabi ni Sir Ejay na hindi niya nakikitang magtatapos ang kaniyang bokasyon sa pagtuturo.

“Nakikita ko yung sarili ko na maging guro siguro hanggang mag-retire. At pinanalangin ko sa Diyos na abutin ko yung retirement age. Kasi hangga't nabubuhay syempre gusto ko na gamitin yung sabi nga ni Mark Twain ‘The two most important days in your life are the day you are born and the day you find out why.’ Nare-realize ko yung misyon ko this is no longer a job, a profession but a mission. So gagawin at patuloy na gagawin sa gabay at guidance ng ating Panginoon,” lahad niya.

Para sa Grade 7-Camia, ang simpleng Christmas party na ito ay naging higit pa sa isang selebrasyon. Ito ay naging simbolo ng pagmamahal, pagkakaisa, at inspirasyon—isang karanasang hindi nila malilimutan at habambuhay nilang babaunin sa kanilang puso.

Sa bawat araw na dumadaan, patuloy na nagpapaalala si Sir Ejay sa lahat na ang pagiging guro ay higit pa sa pagtuturo ng leksyon; ito’y pagtuturo ng buhay.

Mariah Ang