Pinangunahan nina Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Pamasko sa ilang residente sa Davao City nitong Miyerkules, Disyembre 25, 2024.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, ang nasabing selebrasyon ay ang taunang gift-giving activity ng pamilya Duterte na tinawag nilang “Pahalipay sa Pasko” na idinaraos daw sa kanilang ancestral house sa Bangkal, Davao City.
Tinatayang umabot daw sa 40,000 katao ang pumila at dunalo sa nasabing Pahalipay sa Pasko upang makatanggap ng mga regalo katulad ng bigas, canned goods at gift checks. Bunsod nito, ang-deploy ang Public Safety and Security Office ng tinatayang 3,200 security and personnel na magbabantay sa nasabing lugar.
May ilang residente raw na kahapon pa nakapila at doon na rin sa kalsada nagpalipas ng gabi at sumalubong sa Pasko upang makapagbaka-sakali raw sa pamaskong hatid nina VP Sara.
Ilang video rin ang nagkalat sa social media na makikitang tila game na game raw na nakipaglaro at nakipagsayawan ang bise presidente sa ilang mga residenteng dumalo sa kanilang pa-party.