December 26, 2024

Home BALITA

Matapos 15 taon: Mary Jane Veloso, muling nakapag-Pasko kasama ang Pamilya

Matapos 15 taon: Mary Jane Veloso, muling nakapag-Pasko kasama ang Pamilya
Photo courtesy: Manila Bulletin file photo

Muling nakasama ni Mary Jane Veloso ang kaniyang pamilya na makapagdiwang ng Pasko.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Miyerkules, Disyembre 25, 2024, tinatayang nasa 23 kamag-anak ang bumisita kay Velasco ngayong araw ng Kapaskuhan.

Matatandaang noong Disyembre 18 nang muling makabalik ng bansa si Veloso matapos ang halos 14 taong pagkakakulong sa Indonesia at nasentensyahan ng bitay dahil sa iligal na droga.

KAUGNAY NA BALITA: Mary Jane Veloso, may hiling matapos makabalik ng bansa: 'Gusto ko na makalaya ako'

VP Sara, FPRRD, pinilahan umano ng 40,000 katao sa kanilang Pamasko sa Davao City

Sa panayam ng media sa ina ni Mary Jane na si Celia Veloso, ibinahagi niyang masaya raw ang kanilang pamilya na muling makasama ang kaniyang anak ngayong Pasko, bagama’t hindi raw sila pinahintulutang makapagbigay ng regalo dito.

“Masayang masaya kaming lahat. Sa loob ng 15 taon, makakasama na namin siya ng Pasko. Mga kapatid nya, tita at tito, mga pamangkin niya, 'yun 'yung mga kasama," anang ina ni Mary Jane.

Dagdag pa niya: “Ipinagbawal nila ang mga regalo, may regalo sana ang mga kapatid nya, kaya pagkain na lang ang dala namin. Sinigang na baboy, spaghetti, salad, at saka may puto.”

Samantala, ibinahagi rin ni Celia na sa darating na Enero 10, 2025 ay nakatakda raw magdiwang ng ika-40 kaarawan si Mary Jane kaya’t susubukan daw nila itong madalaw sa Enero 9.

“Ang mahalaga sana ay makalaya na siya. Ang plano namin sa birthday niya mga (January) 9 babalik kami dito. January 10 birthday niya eh,” saad ni Celia. 

Nauna nang linawin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pinag-aaralan na raw ng ilang legal experts ang kaso ni Mary Jane, kaugnay na iba’t ibang panawagang mabigyan siya ng Pangulo ng clemency. 

KAUGNAY NA BALITA: Posibleng clemency para kay Veloso, pinag-aaralan na ng legal experts – PBBM